PCUP privilege card, malaking tulong sa madla!
- BULGAR

- Mar 20, 2019
- 2 min read

Matapos ilunsad ng PCUP ang three priority programs nito noong nakaraang taon, nasa 7,000 hanggang 8,000 maralitang tagalungsod ang nabiyayaan ng PCUP Caravan.
Isa pa lamang ang PCUP Caravan sa three priority programs ng PCUP kaya patuloy pa rin itong nakikipagdiskusyon sa iba’t ibang pribadong kumpanya upang maisakatuparan na ang Adopt and Urban Poor Community at PCUP Privilege Card.
Tanong: Ako si Cerilo Villanueva, taga-Marikina ako at mayroong tatlong anak at ‘yung isa ay special child. Mahirap lang kami at kulang na kulang ang kinikita namin ng asawa ko upang matustusan ang pangangailangan ng aming pamilya. Sobrang mahal ng presyo ng mga bilihin ngayon, dati, marami kaming nabibiling pang-ulam sa halagang 100 pesos, ngayon sardinas o konting karne o gulay na lamang ang nabibili namin. Ano ang maaari ninyong maitulong sa aking pamilya?
Sagot
Alam ng buong pamunuan ng PCUP ang mga hinaing ng mga maralitang Pilipino, lalung-lalo na sa presyo ng mga pangunahing bilihin kaya sinisikap nitong mapabilis ang pagsasaayos ng Urban Poor Privilege Card para mabigyan ng diskuwento sa mga pangunahing bilihin ang mga urban poor na mabibiyayaan ng naturang card.
Para sa inyong kaalaman, isang malaking kumpanya ng de-lata o canned goods ang nagpahayag ng suporta sa adhikain ng Urban Poor Privilege Card. Ayon sa kanila, bibigyan nila ng diskuwento ang cardholders sa kanilang mga produkto kapag ito ay bibili sa kanilang outlet store. Magkakaroon din sila ng store-on-wheels upang makaikot sa mga urban poor community upang makapagbenta ng kanilang produkto sa murang halaga.
Bukod dito, halos isang dosenang pribadong kumpanya na ang nagpahayag ng suporta sa Urban Poor Privilege Card at inaayos na ng PCUP ang mga mekanismo kung paano makapagbibigay ng tulong o diskuwento ang mga ito sa maralitang Pilipino na magiging cardholder ng naturang card.
Sa ngayon, sinisikap pa rin ng PCUP na umabot sa 20 kumpanya ang susuporta sa adhikaing ito bago mag-imprenta at mamahagi ng card. Nagsasagawa naman ng profiling ang PCUP upang malaman kung sinu-sino ang mabibigyan ng card na ito.
Hindi man maibigay ng PCUP ang lahat ng pangangailangan ng mga maralitang Pilipino, nagsisikap naman itong makatulong upang gumaan kahit papaano ang buhay ng bawat isa.





Comments