Panawagan sa publiko, kung ayaw maging iligal na OFW, huwag kumagat sa mga sindikato!
- Ryan B. Sison
- Mar 20, 2019
- 1 min read

SA ngayon ay nakaalerto na ang Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kontra sa human trafficking.
Ito ay matapos mahuli ng ahensiya ang 21 taong gulang na Pinay sa NAIA Terminal 1 na umaming papunta sana sa Saudi Arabia kung saan peke ang mga detalyeng nakalagay sa kanyang pasaporte.
Matatandaang, ang age requirement para maging Overseas Filipino Worker (OFW) ay 23 taong gulang kung saan huling-huli na laganap pa rin ang mga sindikato na nanloloko sa mga Pilipino.
Gayunman, ayon sa BI, kung kahina-hinala ang OFW na papaalis pa lamang, maaari silang ilipat sa Travel Control and Enforcement Unit ng BI para sa secondary inspection.
Noong 2018, nakapagtala ng humigit-kumulang 100 underage OFWs sa NAIA, kaya ayaw na nating maulit pa ito.
Samantala, alam naman nating lahat na marami sa ating mga kababayan ang napapahamak sa ibang bansa dahil karamihan sa kanila ay iligal na nakapunta roon.
Bagama’t, hindi natin masisisi ang iba dahil sa hirap ng buhay, nakababahala pa rin ito dahil mismong buhay nila ang kanilang itinataya para lang makapaghanapbuhay.
Kaya ang panawagan natin sa pamahalaan, tuldukan na ang paglaganap ng mga sindikatong nambibiktima ng mga menor-de-edad na gustong maging OFW dahil sa totoo lang, matinding pasakit lang ang naidudulot nila sa mga Pilipino, gayundin sa ating ekonomiya!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments