Pagbuwag sa road board, pirmado na
- Mylene Alfonso
- Mar 20, 2019
- 1 min read

PIRMADO na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas para buwagin ang kontrobersiyal na Road Board kasunod na rin ng isyu ng korupsiyon.
Nitong Marso 8 nang lagdaan ng pangulo ang Republic Act 11239 o “An Act Abolishing the Road Board and Providing for the Disposition of the Motor Vehicle User’s Charge Collections”.
Batay sa isinasaad ng bagong batas, ang perang nakokolekta ng Road Board mula road users’ tax ay ibabalik sa National Treasury sa ilalim ng special account.
Inaatasan ng batas ang mga kalihim ng Department of Budget and Management (DBM), Department of Public Works amd Highways (DPWH) at Department of Transportation (DOTr) na bumuo ng implementing rules and regulations hinggil sa magiging alokasyon ng MVUC.
Habang ang mga empleyado naman na maaapektuhan sa paglusaw ng Road Board ay ililipat sa DPWH, partikular ang mga kuwalipikado at kailangan ng departamento.
Para naman sa mga hindi maililipat sa DPWH, bibigyan sila ng separation pay alinsunod sa batas.
Ang mga paretiro namang kawani ay papayagang makapagretiro na at tatanggap ng kaukulang retirement benefits na naayon sa kanila.
Base sa report ng Commission on Audit (COA), mula 2001 hanggang 2018, umabot na sa P166.18 bilyon ang nakolekta ng Road Board na road users’ tax na naglalayong gamitin sa maintenance ng mga kalsada.
Nasa P138.87 bilyon dito ang sinasabing nagamit na. Gayunman, kinuwestiyon ng COA kung saan napunta ang mahigit P90 bilyon sa naturang pondo.
Kamakailan lamang ay lumutang din ang isyu na ginagawang gatasan ng mga mambabatas ang pondo mula sa Road Board.





Comments