ORCULLO, WALANG KUPAS, HANDA PARA SA U.S. WORLD 10-BALL

NAUNGUSAN ni Dennis “Robocop” Orcullo si Carlo “The Black Tiger” Biado, 100 - 96, sa pagtatapos ng kanilang tatlong araw na duwelo sa palaruan ng Hustler sa Quezon City.
Mula sa dikdikang 8 - 8 na iskor, nagbadya ng pagpapakain ng alikabok ang dating world 8-ball champion na si Orcullo nang umalagwa ito: 35 - 21 at 70 - 60.
Pero nagtiyaga ang 2017 World Games gold medalist na si Biado at ibinaba sa lima ang kalamangan ng karibal, 94 - 99 sa race to 100 na engkwentro. Dito na kinapos si Biado kaya natangay ni Orcullo ang papremyong salapi.
Nagsilbing isang magandang paghahanda ng dalawa ang bakbakan para sa 2019 World 10-Ball Championship na gaganapin sa US.
Samantala, halagang $50,000 ang nakataya bilang kabuuang papremyo sa 2019 World Pool Billiard Association (WPA) Players’ Championship ngayong Abril 16 hanggang 19 sa palaruan ng Griff’s Billiards sa Las Vegas kung saan seeded entries sina Biado at Johann “Bubwit” Chua.
Pangatlo sa mga paboritong magwagi sa torneo si Biado dala na rin ng kanyang pagiging world no. 3 sa WPA rankings. Bitbit din ng Pinoy sa paligsahan ang kinang ng pagpasok sa finals ng WPA World 9-Ball Championship sa nakalipas na dalawang taon. Taong 2017 nang naging World 9-ball king siya samantalang bridesmaid honors ang nasungkit niya noong isang taon.
Nakaangkla naman si Chua, seeded no. 17 sa paligsahang nililimitahan lang sa 64 na malulupit na bilyarista mula sa iba’t-ibang parte ng daigdig, sa kambal na All-Japan Billiards na titulo (2015 at 2017) at ang trono ng 2018 Maryland 10 Bar Table Championships noong Nobyembre.
Magsisilbing mga tinik sa lalamunan ng mga Pinoy sa kanilang kampanya sa torneo ang iba pang elite cue artists tulad nina Joshua Filler (Germany, WPA no. 1), Alexander Kazakis (Greece, WPA no. 2) at Jung Lin Chang (Taiwan, WPA no. 5).





Comments