NOVO ECIJANO, GOLD SA BP PENCAK SILAT


ILAGAN CITY - Humakot ng gintong medalya ang San Jose City, Nueva Ecija sa pencak silat kahapon sa 2019 Philippine Sports Commission – Batang Pinoy Luzon Qualifying Leg sa Brgy. Osmena Covered Court.
Humablot sina Jenelle Anne Adriano at Luke Albert Capulong ng tigalawang gintong medalya sa Tunggal at Ganda event upang pangunahan ang San Jose City, Nueva Ecija sa pag-akyat sa liderato ng multi-sports na torneo para sa mga kabataang atleta na in at out-of-school youth edad 15 pababa.
Pito ang nasilo ng San Jose, Nueva Ecija sa 13 nakalaan na gold medal sa pencak silat.Nanaig si Capulong sa pre-teenager boys sa Tunggal bago nakipagkampihan kay Samuel Benedict Ramos sa pre-teenager boys Ganda upang makasungkit muli ng ginto sa pangunahing grassroots sports development program ng nag-organisang Philippine Sports Commission (PSC) sa pamumuno ni chairman William “Butch” Ramirez.
“Idol ko si Jackie Chan kaya mahilig po ako sa karate,” pahayag ni 12-year-old, Grade 6 sa Gio Claudio National High School na si Capulong.
Hindi naitago ng 11-anyos na si Adriano, Grade 6 sa San Jose West Central High School ang kanyang saya nang mapanalunan ang dalawang gold medal at isang pilak.
“Masayang-masaya po ako kasi first time ko nanalo ng ginto at dalawa pa po,” ani Adriano, na nagwagi sa pre-teenager girls Tunggal at pre-teenager girls Regu kasama sina Camille Trases at Anne Mariel Dela Rosa habang may pilak ito sa pre-teenager girls Ganda.
Kuminang din para sa Nueva Ecija sina Bieto Barol Jr. (Early Age Boys), Jerameel Trases, Juliana Marie Salvador, Sheena Cantorna sa Teenager Girls Regu at sina Lance Scott Tira, John Willis Rimando at Matthew Albert Capulong sa Teenager Boys Regu. (ATD)





Comments