Umuwi sa Sorsogon at nagsalu-salo kasama ang pamilya at mga kaibigan
- BULGAR

- Mar 19, 2019
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni James ng James_Santos12@face- book.com
Dear Professor,
Ano ang ibig sabihin nang umuwi ako sa amin sa Sorsogon, tapos, sinalubong ako ng mga kamag-anak namin, dating kaibigan at mga kababaryo namin?
Tapos, sa bahay namin ay may masayang handaan, sabay-sabay kaming kumain.
Salamat!
Naghihintay,
James
Sa iyo James,
Ngayong bakasyon ay nag-uuwian ang mga tao sa kani-kanilang probinsiya kung saan panahon din ng mga pista at kadalasang isinasagawa ang mga espesyal na araw para sa natatanging okasyon tulad ng kasalan, magarbong selebrasyon ng araw ng kapanganakan, kumbaga, kapag ang birthday ay natapat sa summer, hindi maiiwasang maghanda nang bongga.
Alam mo, iho, may malalim na kahulugan ang pag-uwi sa lupang sinilangan, kumbaga, hindi lang ito para magsaya, mamasyal at magsama-sama ang magkakapamilya at magkakaibigan.
Ang pag-uwi sa lupang sinilangan ay nagbibigay ng sigla, lakas at ligaya, pero ang termino o angkop na salita ay ang rebirth o muling pagsilang.
Ito ay nararanasan ng mga matagal ng hindi nakababalik sa kanilang lupang sinilangan. Ito rin ay nangyayari sa mga taong sobrang problemado, may sakit at nabigo sa buhay, lovelife man ito o career.
Sa buong mundo, sa lahat ng pamayanan ay may walang kamatayang kuwento na may nilalang umano na napalaban kung saan ang kalaban niya sa biglang tingin ay tinatalo siya, pero sa tuwing siya ay babagsak sa lupa ay muli siyang lumalakas.
Kumbaga, tuwing tatamaan siya ng malakas na bigwas nito ay nabubuwal siya, kaya inaakala ng kanyang kalaban na siya ay talo na, pero tulad ng nasabi na, sa tuwing siya ay sasayad sa lupa, bumabalik ang lakas niya, kaya sa huli ay sumusuko na ang nakalaban niya.
Malalim ang kahulugan at sa panahong ito ay itinuturing na lang itong mitolohiya, pero kapag ang nagkuwento ay mga OFW, sila ang magpapatunay na kakaibang lakas ang kanilang nadarama sa tuwing umuuwi sila sa kanilang lupang sinilangan.
Ito rin ang mensahe ng iyong panaginip, pero hindi lang ito simpleng mensahe dahil ipinapayo sa iyo na umuwi ka sa Sorsogon kapag nagkaroon ka ng pagkakataon.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo





Comments