Suspek sa pamamaril ng dalawang mosque, ini-livestream ang insidente, tsk-tsk-tsk!

GANITO na ba ang layunin ng social media ngayon? May naganap na pamamaril sa Christchurch, New Zealand kung saan namaril ang isang lalaki sa dalawang mosque. Ang ipinagkaiba ng krimeng ito ay nag-livesteam ang suspek o inilabas sa social media ang insidente ng kanyang pamamaril. Sinubukang tanggalin ng awtoridad ang nasabing video mula sa social media at nakiusap sila sa publiko na huwag na itong ipakalat, pero alam naman nating napakabilis ng proseso sa social media kaya agad itong kumalat sa buong mundo.
Nahuli na ang salarin na ordinaryong tao lang daw, ayon sa mga nakakikilala sa kanya, pero matapos bumiyahe sa Europa at Asya ay tila nagbago na raw ito. Inaalam na kung saan nagbago ang pananaw at nagawa nito ang krimen. Batay sa mga inilabas na video, malinaw na racist ito. Sa totoo lang, mahirap talaga kapag naging panatiko sa kahit anong paniniwala, kapag ang pananaw ay sila lang ang dapat mamuhay sa mundo. Sana lang, hindi na maulit ang mga ganitong karahasan, tunay na hindi ito kailangang mangyari.
◘◘◘
Hindi nating sukat-akalain ang ganitong klase ng karahasan sa New Zealand. Patunay na ang pagiging militante ay maaari nang maganap kahit saan sa mundo. Siguro dahil sa mas pinalawak na internet. May nabasa tayong artikulo kung saan ang nag-imbento ng internet ay nagpahayag na hindi ganito ang naisip niyang magiging layunin nito. Kung saan marami ang nag-aaway at naglalabasan ang mga opinyon na hindi natin nababasa noon. Dahil sa mabilis na pagkalat, hindi ang nakatutulong na impormasyon kundi ang galit, poot at suklam, mayroong mga masasamang nagaganap.
Mahirap isipin ang buhay na walang internet, ‘yung tipong bumagal lang ng kaunti ay may mga nagagalit na agad, pero kung ganito ang nagagawa nang pagkalat ng masasamang impormasyon, hindi natin maiwasang magdalawang-isip kung talagang ganito kadali ang pagkalat ng mga kaganapan at impormasyon. Kailangang mayroong magbabantay ng mga kilalang website upang matutukan ang mga bagay-bagay na ipinakakalat gamit ang mas pinalawak na internet.





Comments