Isnatser na riding-in-tandem, gumagala!

NAGBABALA ang kapulisan ng Quezon City Police District (QCPD) bukod sa problemang nararanasan ni “Juan dela Cruz” sa kakapusan ng supply ng tubig sa Kalakhang Maynila, sinabayan din ito ng mga demonyong isnatser na riding-in-tandem at kunwaring nakikisabay sa paglalakad ng taumbayan sa mga pampublikong lansangan.
Unahin nating alamin ang modus ng riding-in-tandem na nagkukunwaring naghahanap ng mapaparadahan, pero iba pala ang iniispatan — ang mga biktima na may hawak na cellphone.
Ang raket ng mga demonyong ito ay ang pagtatanong kunwari kung saan puwedeng pumarada na kung inyong makikita ay hindi naman mahirap iparada ang motorsiklo kaya maging alerto at pakiramdaman ang galaw ng mga hinayupak na ito na ang target lamang nila ay ang inyong hawak na cellphone at ang inyong shoulder bag.
Mag-ingat kayo mga ka-BULGAR kapag may naispatan kayong riding-in-tandem na paikut-ikot na nagkukunwaring naghahanap ng parking space, pero kawatan pala.
Tukuyin naman natin ang mga animal na suspek na nakikisabay sa paglalakad sa tao at palinga-linga, pero nagmamanman kung sinong biktima ang may hawak ng cellphone at kapag nakatiyempo ay kanya itong sasabayan o sasalubungin at presto, biktima na ito ng agaw-cellphone na agad tatakas kapag nakuha na ang pakay.
Sa mga ka-BULGAR natin d’yan na may katigasan ang ulo at may kayabangan (hindi lahat) habang nasa kalye, huwag na huwag kayong gumagamit ng inyong gadget sa kalsada dahil ang mga kawatan ay walang pinipiling araw at oras para makapambiktima.
Huwag ninyong ilalantad ang inyong mga gamit para hindi kayo mabiktima sa galawan ng mga balasubas na kawatan.
Ikaw kaibigan, anong sey mo?
Laging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!
Ligtas ang may alam!
Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!





Comments