top of page
TEKA NGA - MARIEL, KUMALAT NA TATAKBONG SENADOR, NILAIT NG NETIZENS_IG _marieltpadilla.jpe

EVANGELISTA AT NUQUI, ARANGKADA SA WORLD BOWLING SA FRANCE

Eddie M. Paez, Jr
Mar 19, 2019
2 min read

GUMUGULONG na ang 2019 World Bowling Junior Championships sa pa­laruan ng Plaza Bowling sa St. Maximin, France at apat na manlalaro mula sa Pilipinas ang pipiliting ipag­patuloy ang makinang na tra­disyon ng bansa sa pan­daig­digang entablado.

Ang tambalan nina Da­nielle Evangelista at Patrick Nuqui ay sasabak sa boys’ arena habang sina Grace Gella at Norel Nuevo ang magdadala ng Philippine tri-colors sa grupo ng mga dala­gita sa halos isang linggong kompetisyong matatapos ngayong Sabado.

Nakataya sa boys’ at sa girls’ bracket ang korona sa singles, doubles at masters gayundin ang mixed team event sa paligsahang inoor­ganisa ng World Bowling, Maximin Bowling Plaza at ng Tenpin Bowling Associa­tion of France.

Ang mga kalahok sa sa­gupaan ay nakalatag sa may 60 km ang layo sa France na nilimitahan lang doon sa mga ipinanganak ng Enero 1, 2001 hanggang Disyem­bre 31, 2005.

Ang national quartet ay aalalayan nina Alexander Lim (manager), Engelberto Rivera (coach) at Josephine Canare (coach) sa pakiki­pagbanggaan nila sa may 110 na kinatawan ng 35 ban­sa kabilang na ang Australia, Brazil, China, Columbia, U.S.A, Taiwan, Thailand, Sin­gapore, Ukraine, Hong Kong, Italy, Korea, Mexico, Guatemala, Germany, Eng­land, Ecuador, Kuwait, Rus­sia, Poland at ang punong-abalang France.

Naisalba ng Pilipinas ang isang tansong medalya noong 2018 edisyon ng tor­neo sa Thunderbowl Lanes ng Michigan, U.S.A nang makapasok sa semi­finals ang boys’ team nina Ivan Malig, Kenzo Umali, Praise Gahol at Merwin Tan.

Samantala, sa duwelong all-or-nothing na $40,000 sa pagitan nina Dennis “Robocop” Orcullo at Carlo “The Black Tiger” Biado, nagbanta ng pag-alagwa ang dating world 8-ball titlist na si Orcullo sa iskor na 35 - 21.

Pero pumalag si 2017 world 9-ball king Biado at unti-unting nagbawas ng hinahabol at ngayon ay nakapako na ang bakbakan sa rekord na 70 - 60 bentahe pa rin ni Orcullo.

Ang bakbakan ay sa larangan ng 10-ball at unahan sa 100 panalo ang tuntunin sa loob ng tatlong araw sa Quezon City.

Sinasabing magandang paghahanda ito ng dalawang malupit na bilyaristang Pinoy para sa World 10-Ball Championships na gaganapin sa US ngayong taong ito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page