Tulong ng PCUP para sa mga apektado ng demolisyon at ebiksiyon, asahan!
- BULGAR

- Mar 18, 2019
- 2 min read

MAHIGPIT na ipinagbabawal ng gobyerno ang pagtira sa mga danger area dahil maaari itong ikapahamak ng ating mga kababayan. Karamihan sa mga nakatira rito ay nakaranas nang katakut-takot na sakuna tulad ng labis na pagbaha at pagguho ng lupa. Nagiging rason ito upang i-demolish ang mga nakatira sa ganitong klaseng lugar para mailipat sila sa mas ligtas na pamayanan.
Isa sa mga mandato ng Presidential Commission for the Urban Poor o PCUP ay ang siguraduhin na ang lahat ng apektado ng demolisyon at ebiksiyon sa danger areas ay may sapat na konsultasyon at mayroong maayos na relokasyon.
Tanong: Magandang araw, Sir Alvin! Ako si Ben, 42, may limang anak. Ide-demolish na raw ang aming lugar sabi sa sulat ng taga-munisipyo. Ang sabi pa nila, hindi na raw kami makaaalma dahil nakatira kami sa danger zone. Paano kaya ‘yun, baka ipatapon kami kung saan-saan? Mahirap lang kami at ayokong magpalabuy-laboy ang pamilya ko.
Sagot
Ang demolisyon o ebiksiyon ay mahigpit na tinututulan ng batas, pero kung kayo ay nakatira sa mga (A) danger area, (B) sa lupa na tatamaan ng government projects at (C) lupa na mayroon ng court order, hindi na natin matatakasan ang ganitong sitwasyon.
Para sa kaalaman ng lahat, bawal tumira sa identified danger zones tulad ng estero, malapit o nasa riles ng tren, tambakan ng basura, riverbanks o tabing-ilog, shorelines o baybayin, waterways at mga pampublikong lugar tulad ng sidewalk, sementeryo, kalsada, parke at playground o iba pang lugar na kapag binahayan ay maaaring ma-expose sa panganib at kapahamakan.
Kapag ang ating lugar ay napag-alaman na danger area, tayo ay mapaaalis tulad ng naging isyu ng demolisyon sa Manggahan Floodway sa Pasig. Maraming pamilya ang naapektuhan ng demolisyon dahil noong Bagyong Ondoy, lampas-tao ang tubig-baha at marami ang nasiraan ng bahay at nagbuwis ng buhay. Para sa kanilang kaligtasan at seguridad, kinailangan silang i-relocate upang hindi na maulit ang nasabing sitwasyon.
Ang pagpapaalis sa inyo, Mang Ben, ay kagandahang-loob ng ating gobyerno upang makaiwas kayo sa kapahamakan. Maaaring pansamantala ay mahirapan tayo sa proseso na pagdaraanan ng demolisyon at ebiksiyon ngunit, hindi naman tayo pababayaan ng mga katuwang sa gobyerno.
Nariyan ang PCUP upang tulungan tayo pagdating sa paniniguro na ang nakasaad sa Section 28 ng Republic Act No. 7279 o Urban Development and Housing Act ay maipatupad. Sisiguraduhin nating magkakaroon tayo ng sapat na konsultasyon sa inyong komunidad at higit sa lahat, mayroong maibibigay sa inyo ang gobyerno na maayos na relokasyon o resettlement site.
Hindi tayo pababayaan ng gobyerno pagdating sa isyu ng demolisyon at ebiksiyon ng mga maralita. Kung kayo ay may iba pang katanungan o kung nais ninyong humingi ng tulong, maaari tayong sumulat at bumisita sa PCUP upang matulungan tayo ng ating mga area coordinator tungkol sa inyong mga isyu.





Comments