Sports officials na naglalaway sa pondo sa SEA Games, bantayan!

SIYAM na buwan na lang ay magiging host na ang Pilipinas sa Southeast Asian Games.
Marami nang excited, lalo na ang mga atleta!
◘◘◘
MULA P7.5 bilyon, binawasan ang badyet tungo sa P5 bilyon batay sa panukalang-badyet na hindi pa nalalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kapos ang naturang badyet kaya kailangan pa rin ang suporta ng pribadong sektor!
◘◘◘
NILINAW ng pinuno ng Philippine Sea Games Organizing Committee (PHISGOC) na si dating DFA Secretary Alan Peter Cayetano na “six percent ahead” na ang preparasyon sa biennial meet.
Ang problema, dinidiskaril ito ng mga kritiko ng PHISGOC dahil may ilang pulitiko na nais manghimasok dito!
◘◘◘
NAIS ng ilang tropa na agawin ang pangangasiwa mula sa PHISGOC dahil naglalaway sila sa pondo.
Kabilang sa interesado ay dalawang opisyales ng gobyerno na parehong may kasong graft sa Ombudsman at Sandiganbayan!
◘◘◘
ANG isang opisyal na nais mai-takeover ang PHISGOC ay mambabatas na may kaso sa Ombudsman dahil sa iligal na paggastos sa “water utilities fund” na ipinambili ng naluluging bangko sa probinsiya.
Ang isa naman ay pinatawan ng 90-day suspension sa Sandiganbayan dahil sa hindi maayos na pagkuha ng serbisyo ng security guards nang hindi idinaan sa maayos na subasta!
◘◘◘
SINISIRAAN ang PHISGOC sapagkat hinihigpitan nito ang paglalabas ng pondo upang matiyak na maaayos at maingat na maisagawa ang preparasyon sa SEA Games.
Dapat lang suriing mabuti ang mga gugugulin upang hindi madambong ng mga kontratista ang pondo!
◘◘◘
Inaasahang makaaangat ang mga atletang Pinoy sa biennial meet dahil may desisyon ang Pilipinas sa mga event na isasama sa palaro.
Bukod dito, maximum ang magiging bilang ng mga atleta na isasali dahil hindi na sila bibiyahe, bagkus ay maglalaro na sila sa sarili nilang teritoryo!
◘◘◘
MATAGAL nang nangungulelat ang Pilipinas sa SEA Games at ito na ang pagkakataong muli silang makaangat kahit man lang ikatlo sa overall medal tally.
‘Yan ay kung hindi makukurakot ang pondo ng mga naglalaway na sports official ng bansa!





Comments