Kung mayroong batas na nagsasaad na kailangang ihiwalay ng lugar ang organic produce na mga produkt

Dear Chief Acosta,
Magandang araw! Nagtatrabaho ako bilang stockman sa grocery store. Sinabihan ako ng manager ko na dapat daw ay sa hiwalay na lugar ko ipuwesto ang mga organic produce upang hindi maihalo sa ibang produkto. May batas bang nagsasaad nito? — Jenny
Dear Jenny,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa sitwasyon na inyong inilahad ay ang Section 18 ng Republic Act No. 10068 na mas kilala bilang “Organic Agriculture Act of 2010” kung saan nakasaad ang sumusunod:
“Section 18 Retailing of Organic Produce. - Retail establishments or stores of organic produce shall designate a separate area to display the organic produce to avoid mixing it with non-organic produce.” (Binigyang-diin)
Ibig sabihin, nararapat na magtalaga ng hiwalay na lugar ang mga retail establishment o tindahan ng mga organic produce upang maipuwesto ang mga organic produce na ibebenta nito para maiwasang maisama o maihalo ang mga ito sa ibang mga ibinebentang non-organic produce.
Sa inyong sitwasyon, nararapat lang na ihiwalay ang mga organic produce at ilagay ito sa hiwalay na lugar upang hindi ito maisama or maihalo sa ibang mga ibinebentang non-organic produce.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala.





Comments