CENTENO AT AMIT, PUMOSISYON SA 9-BALL NG NATIONAL TEAM

TULAD ng inaasahan ay naselyuhan nina Chezka Centeno at Rubilen Amit ang kanilang lugar sa national team pagdating sa women’s 9-ball event matapos nilang dominahin ang huling yugto ng qualifiers sa Maynila para sa mga manunumbok na Pinay na gustong maging kinatawan ng bansa sa 2019 South East Asian Games sa Pilipinas.
Nasikwat ni Centeno ang unang upuan para maging kinatawan ng bansa sa 9-ball nang maging topnotcher sa winners’ bracket ang tubong Zamboanga na manlalaro samantalang dumaan sa one-loss side ang pambato ng Cebu na si Amit para makuha ang pangalawang slot na nagbigay sa kanya ng karapatang muling makapagsuot ng Philippine tri-colors sa SEA Games.
Matagal nang 1-2 punch ng bansa ang dalawa sa bilyaran. Si Centeno ang nanguna sa isang 1-2 finish ng Pilipinas sa nakaraang dalawang SEAG editions habang dala ni Amit ang pagiging two-time world champion sa pagsargo sa regional sporting event. Nakapasok din sa podium si Amit noong 2018 World 9-Ball tilt sa China.
Samantala, sa duwelong all-or-nothing na $40,000 sa pagitan nina Dennis “Robocop” Orcullo at Carlo “The Black Tiger” Biado, nagbanta ng pag-alagwa ang dating world 8-ball titlist na si Orcullo sa iskor na 35 - 21. Pero pumalag si 2017 world 9-ball king Biado at unti-unting nagbawas ng hinahabol at ngayon ay nakapako na ang bakbakan sa rekord na 70 - 60 bentahe pa rin ni Orcullo.
Ang bakbakan ay sa larangan ng 10-ball at unahan sa 100 panalo ang tuntunin sa loob ng tatlong araw sa Quezon City. Sinasabing magandang paghahanda ito ng dalawang malupit na bilyaristang Pinoy para sa World 10-Ball Championships na gaganapin sa US ngayong taong ito. (Eddie M. Paez, Jr.)





Comments