BAGUIO CITY, BABANTAYAN SA PHL NAT’L YOUTH GAMES


MATINDING hamon ang haharapin ng kasalukuyang national titlist at defending leg champion na Baguio City mula sa karibal na local government units sa pagsasagawa ngayon ng Luzon Leg ng 2019 Philippine National Youth Games-Batang Pinoy na nagbukas sa City of Ilagan Sports Complex.
Huling itinala ng madalas magkampeon na Baguio City ang pagsungkit ng korona noong 2017 Luzon Leg na ginanap sa Vigan City, Ilocos Sur matapos nitong talunin ang pumangalawa na Laguna Province, ikatlo ang Pangasinan, ikaapat na San Jose City at ang pumanglima na Dasmariñas City.
Umaabot sa 500 atleta ang ipinadala ng tinaguriang Summer Capital of the Philippines sa pagnanais na masungkit ang titulo sa ikatlo at huling qualifying leg ng isa sa pangunahing grassroots sports development program ng bansa matapos ang unang ginanap na Mindanao at Visayas leg.
Ang magwawagi sa torneo na inoorganisa ng Philippine Sports Commission na patuloy ang paghahanap sa susunod na henerasyon ng mga bagong talento sa Norte ay magkukuwalipika sa National Championships na gaganapin sa nag-aagawan na Tagbilaran City sa Bohol o sa Ormoc City sa Leyte.
Pamumunuan ni Philippine Sports Commission (PSC) commissioner Ramon Fernandez ang aktibidad. Inihayag ni Fernandez na hindi sila titigil sa paghahanap ng mga talento kahit na pinakaliblib ng lugar sa bansa para bigyan ang lahat ng mga kabataan ng pagkakataon na madebelop ang sarili at mapabilang sa atleta ng bansa na kayang magbigay ng gintong medalya sa internasyonal na torneo tulad sa Southeast Asian Games, Asian Games at pati na sa Olympics.
“We saw some athletes with potentials in the Mindanao and Visayas legs and we hope to discover more here in Luzon,” sabi pa ni Fernandez. (MC/VA)





Comments