‘Di maubus-ubos na mga alegasyon, sablay naman | Sen. Lacson, ‘di pa rin naka-move on kay SGMA
- BULGAR

- Mar 18, 2019
- 3 min read
SINISIRA ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang kanyang kredibilidad bilang mambabatas sa kanyang patuloy na pambabanat sa dating pangulo at ngayon ay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
Sabi ng iba, tila may sama pa rin umano ng loob si Sen. Lacson kay Gng. Arroyo kaya pinipilit nito kahit wala siyang katiting na ebidensiya na mayroon daw iligal na alokasyon sa budget na gustong ipapasa ng Kongreso.
Hanggang ngayon, galit pa rin ba si Sen. Lacson kay Gng. Arroyo dahil sa masamang nangyari sa kanya noong termino ng huli?
Matatandaang, ipinahuli ng Manila Regional Trial Court si Sen. Lacson noong Pebrero 2010 sa bintang na pagpaslang sa PR na si Salvador “Bubby” Dacer at drayber nitong si Emmanuel Corbito.
Naging pugante si Sen. Lacson ng halos 15 buwan at nagtago sa kung saan-saang mga lugar para hindi mahuli ng pulisya.
Pero, suwerte ni Sen. Lacson dahil pumasok na pangulo si ex-P-Noy noong Hunyo 2010 at wala nang nangyari sa kaso ng Dacer-Corbito double murder case. Naging adviser pa si Sen. Lacson ni ex-P-Noy at nawala nang parang bula ang kaso laban sa kanya.
Pero, bakit kaya hanggang ngayon, parang asar pa rin si Sec. Lacson kay Gng. Arroyo? Wala namang kinalaman ang dating pangulo sa kaso na ang nagsampa ay ang mga anak na babae ni Bubby Dacer.
May imbestigasyon din na ginawa ang National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Justice (DOJ) kaya hindi masasabi ni Sen. Lacson na hindi dumaan sa tamang proseso ang kaso laban sa kanya.
Pero, ngayong malaya na siya, bakit tinitira pa rin ni Sen. Lacson si Speaker Arroyo?
Ibinibintang niyang pinapalitan ng mga ito ang budget bill na napagkasunduan na.
Ginamit pa ni Sen. Lacson ang dilawang diyaryo na Philippine Daily Inquirer para mailathala ang kanyang alegasyon na nagbigay daw ng malaking pondo si Gng. Arroyo para sa kanyang mga kaalyado sa Kongreso.
Hindi ito totoo, marami sa mga pondo ay naibigay sa mga distrito sa Mindanao na sadyang gusto ng gobyerno na palaguin matapos ang ilang dekada na puro mga taga-Metro Manila lang ang nakikinabang sa pondo ng bayan.
May alegasyon pa si Sen. Lacson na pinakamalaki raw ang alokasyon ni Speaker Arroyo ngayong 2019 National Budget para raw sa kanyang Pampanga congressional district.
Hindi rin ito totoo, malinaw ang opisyal na datos na sa listahan ng laki ng alokasyon bawat distrito ng isang representante, numero 100 lang si Speaker Arroyo sa listahan ng 194 na mga kongresista.
Ang nakuhang alokasyon ng distrito ni Speaker Arroyo sa Pampanga ay P1.4 bilyon lamang. Mas malaki pa ang alokasyon ng mga anti-Duterte na kongresista tulad ni Rep. Joey Salceda (P5.7 bilyon) at ang kaalyado ng mga komunista na si Rep. Edcel Lagman (P3.5 bilyon).
Sana ay magpakalalaki si Sen. Lacson at aminin niya na nagkamali siya sa pagpresenta ng maling datos para lamang siraan ang reputasyon ni Gng. Arroyo.
Mag-move on ka na, Sen. Lacson, walang pruweba ang mga pag-atake mo kay Speaker Arroyo at nasisira lang ang imahe mo bilang matinong senador.
Dati pa naman ay napabilib kami kay Sen. Lacson sa kanyang pag-expose ng mga kamalian sa sistemang ‘pork barrel’ na inumpisahan noong administrasyon ni ex-P-Cory.
Kung anuman ang rason ni Sen. Lacson sa pagbabanat kay Speaker Arroyo sana ay isipin niyang hino-hostage niya ang 2019 National Budget.
Masama ang mangyayari sa bayan kung hindi maipapasa ang budget na ito.
Dapat noong Nobyembre pa napirmahan ang budget. Kung hindi ito maipapasa ay mapipilitan ang gobyerno na gamitin ang 2018 National Budget.
Ibig sabihin, walang pondo o walang magiging alokasyon para sa mga bagong batas na naipasa kamakailan lang tulad ng Universal Health Care, mga subsidy o pondo para sa mga magsasaka sa ilalim ng Rice Tarrification Law at ang pagpalaki ng kapital ng Bangko Sentral ng Pilipinas (ang ahensiya na nag-aalaga ng foreign reserves at ang kalakasan ng Philippine peso sa internasyunal na merkado).
Posibleng maapektuhan ang ating ekonomiya kung hindi agad maipapasa ang 2019 National Budget kaya naman, Sen. Lacson, mag-move on na kayo sa galit ninyo kay Speaker Arroyo.





Comments