Pedicab driver todas sa roommate
- Mylene Alfonso
- Mar 17, 2019
- 1 min read

PATAY ang isang pedicab driver matapos pagsasaksakin ng kanyang roommate na ex-convict sa loob ng inuupahan nilang kuwarto, kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Manila.
Kinilala ni PO1 Camilo Ross Cunanan, ang biktimang si Pepito Pantaleon, residente ng Victor Lopez, Tondo, na namatay sanhi ng mga tama ng saksak sa katawan.
Pinaghahanap pa ang suspek na kilala lang sa alyas Waray, bagong laya sa hindi pa tukoy na kaso at sinasabing nakikitira lang sa biktima.
Naganap umano ang insidente alas-2:30 ng madaling-araw sa silid ng biktima.
Ayon sa kapatid ng biktima na si Emet Tan, nagising siya nang makarinig ng mga kalabog ng pintuan, mga bote at upuan kaya naisipang silipin ang silid ng biktima kung saan nagmumula ang ingay.
Nakita umano niyang nagmamadaling lumabas ang suspek na si ‘Waray’ pero, hindi niya pinansin at muling natulog hanggang sa lumipas ang ilang minuto ay kinatok siya ng mga opisyal ng barangay at pulis para ipaalam ang nangyari sa biktima.
Ayon sa pulisya, posibleng ang pag-aaway ng dalawa mula sa silid ay umabot pa sa labas ng bahay hanggang sa masaksak ang biktima.
Nalaman na ang biktima at suspek ay magkasama sa kuwarto at madalas umanong gawing drug den ang silid.
Sa labas umano bumibili ng droga ang biktima at sa silid nito ginagawa ang pot session.
Nalaman na minsan na rin umanong nabugbog ng suspek ang biktima dahil nabitin umano sa hinitit na shabu at pinagdiskitahan nito ang biktima.
Patuloy ang imbestigasyon sa motibo ng krimen.





Comments