Gustong malaman kung mayroong condonation program ang SSS

Dear SSS,
Magandang araw! Ako ay dating saleslady sa mall sa Makati. Noong nagtatrabaho pa ako sa mall ay nakapag-loan ako sa SSS. Tuluy-tuloy ko naman itong nababayaran hanggang sa lumipat ako ng trabaho. Sa bagong trabaho ko ay hindi ko naipakaltas ang loan ko sa SSS at halos 8 taon nang lumipas. Marahil, malaki na ang penalty nito. Mayroon bang condonation program ang SSS ngayon? — Sellene Manabat ng Bgy. Holy Spirit, Quezon City
Sagot
Para sa inyong kaalaman, mayroong ipinatutupad na Loan Restructuring Program (LRP) ang SSS. Dalawang linggo na lang at magtatapos na ang LRP. Hanggang Abril 1, 2019 na lang tatanggap ng aplikasyon para sa programang ito. Kaya iminumungkahi namin sa inyo na agad magtungo sa pinakamalapit ng sangay ng SSS para mag-apply.
Sa ilalim ng LRP, hindi na sisingilin ng SSS ang multa o penalty ng inyong utang. Ang tanging babayaran mo na lang ay ang natitirang prinsipal na halaga ng utang at interest nito. Ang LRP ay nagbibigay-tulong sa mga miyembro na may hindi nabayarang calamity loan o short-term loan tulad ng salary loan at nakatira o nagtatrabaho sa lugar na nasalanta ng kalamidad na idineklara ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) o National Government.
Maaari nating bayaran ang ating utang sa pamamagitan ng flexible na payment terms na aabot hanggang sa limang taon at mababang interest na 3%.
Para makapag-apply sa LRP, kailangan na ang utang ay hindi nabayaran ng anim na buwan mula sa ikalawang pagpapatupad ng LRP. Dapat naninirahan o nagtatrabaho ang miyembro sa lugar na idineklarang calamity area at mapatutunayan ito sa pamamagitan ng Affidavit of Residency na dapat isumite kasama ng aplikasyon sa LRP at 65 taong gulang at pababa sa katapusan ng payment term.
Kinakailangan na nating mag-apply ng personal sa alinmang sangay ng SSS. Isumite ang napunan na Loan Restructuring Application form at magdala rin ng valid IDs tulad ng driver’s license, PRC ID, UMID, pasaporte at iba pa ngunit, kung hindi na makabibisita ng personal sa SSS, maaaring mag-apply ang sinumang napili nating kinatawan. Kinakailangan lang na mayroon itong Letter of Authority (LOA) mula sa atin.
Maaaring bayaran ng mga miyembro ang kanilang overdue loan sa loob ng 30 araw na walang dagdag na interest o mag-apply para sa installment payment term na maaaring bayaran sa loob ng limang taon na may tatlong porsiyentong interest kada taon.
Hindi maaaring mag-apply sa LRP ang miyembro na nabigyan ng final benefit claim tulad ng retirement at total disability bago ipinatupad ang ikalawang LRP noong Abril 2, 2018. Gayundin, bawal mag-apply sa LRP ang mga miyembrong kinasuhan dahil sa panloloko laban sa SSS.
Ang mga maaaprubahang aplikante sa LRP ngayong taon ay hindi na maaaring mag-apply sa kahit anumang loan condonation program na ipatutupad muli ng SSS. Ito ay para maging responsable sa pagbabayad ng utang ang mga miyembro ng pension fund.
Inuulit namin na hanggang Abril 1, 2019 na lang ang pagsusumite ng aplikasyon para sa LRP. Hinihimok natin ang mga miyembro na may past due na utang na samantalahin ang pagkakataong ito upang mabayaran ang inyong pagkakautang. Hinihikayat din natin na huwag nang hintayin ang deadline upang hindi mahuli sa pagpa-file ng aplikasyon.
Nawa’y nasagot namin ang iyong katanungan.
◘◘◘
Nais naming ipaalam sa mga retiree pensioner na bukas ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang-pampinansiyal. Inaanyayahan natin ang mga pensiyunadong nais mag-avail ng Pension Loan Program na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.
Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL





Comments