Service firearm nadala | PASAHERONG LADY GUARD, HULI SA MRT
- Gina Pleñago
- Mar 16, 2019
- 2 min read

NAHULIHAN ng baril ang pasaherong lady guard ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) habang iniinspeksiyon sa loob ng Metro Rail Transit (MRT) EDSA-Taft Avenue Station sa Pasay City kahapon ng umaga.
Nasa Pasay City Police ang lady guard na si Emelyn Batocabe Zapra, na posibleng maharap sa kasong Illegal Possession of Fire Arms at Omnibus Election Ban.
Alas-7:35 ng umaga nang mangyari ang insidente sa MRT-EDSA-Taft Station sa nabanggit na lungsod.
Nang dumaan sa x-ray machine ang backpack ni Zapra, malinaw na nakita ng naka-duty na guwardiya ng MRT na si Michael Mendez ang .9mm pistol na may walong bala at nakabalot sa plastic.
Sinabi ng lady guard na ikinagulat niya nang i-hold siya ng mga guwardiya ng MRT at sinabing may dala siyang baril na todo-tanggi sa inaakusa sa kanya.
Katwiran nito, matapos ang kanyang duty ng alas-6:00 ng umaga kahapon ay nagtanggal siya ng uniporme at mga gamit sa kanilang comfort room sa airport at nailagay niya sa kanyang bagpack ang kanyang service firearm.
Dagdag pa nito, nakalimutan niyang alisin mula sa loob ng kanyang bagpack ang nasabing kalibre na ginagamit niya kapag naka-duty siya dahil na rin sa sobrang pagod at puyat mula sa 12-oras na pagtatrabaho.
Aniya, nagmamadali siyang makauwi dahil bukod sa kukunin pa niya ang kanyang suweldo sa Quezon Avenue ay may sakit pa ang kanyang asawa.
Sa nakuhang mga ID sa suspek, nabatid na isa itong lady guard ng Advance Forces Security and Investigation Services, Inc. na nakatalaga sa NAIA Terminal 3 at agad itong dinala sa himpilan ng Pasay City Police.
Nitong Pebrero 23, 2019, isang pasahero sa MRT ang nahulihan ng granada sa Cubao Station sa Quezon City.
Sa ngayon ay patuloy na sumasailalim sa imbestigasyon ng pulisya ang nasabing lady guard.





Comments