Para makaiwas sa pangongotong | Pagsusuot ng shorts habang nagmomotorsiklo, tuloy!
- Ryan B. Sison
- Mar 16, 2019
- 1 min read

KASUNOD ng isyu sa plaka ng mga motorsiklo, ang rekomendasyon hinggil sa pagbabawal sa mga naka-shorts na sumakay at magmaneho ng motor, gayundin ang kanilang angkas ay pinalagan ng ilang motorista.
Bagama’t, kaligtasan ng motorista ang nakasalalay dito, abala at malaking isyu ito para sa kanila.
Gayunman, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia, hindi pa umano ito pinal kaya ngayon ay malaya pa ang iba na suotin kung ano ang gusto nila dahil hindi pa sila huhulihin ng kapulisan.
Dagdag pa rito, kung sakaling maipatutupad ito ay maaari itong maging sanhi ng pangongotong dahil tiyak na maraming mananamantala sa nasabing suhestiyon kung saan dahil sa rami ng bilang ng lalabag ay idaraan nila ito sa pakiusap na may kasamang bayad. ‘Yun lang!
Samantala, para sa mga motorista, kahit hindi pa ito naisasabatas, isipin pa rin ninyo ang inyong kaligtasan ‘yung tipong kahit hindi iutos, eh, dapat magsuot pa rin kayo ng mga damit na naaangkop, lalo na at talamak ngayon ang iba’t ibang klase ng disgrasya, partikular kapag motorsiklo ang dala-dala.
‘Ika nga ng iba, sa simpleng bagay na nakaliligtaan, madalas, ito pa ang sanhi ng kapahamakan.
Kaya ang panawagan natin sa lahat, makipagtulungan tayo para sa mas payapa at maayos na bansa dahil tayo rin naman ang higit na makikinabang dito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments