Humihinang “connection” ng kabataan sa kalikasan, nakalulungkot!

“KAYA gawin ninyo sa inyong kapwa ang ibig ninyong gawin nila sa inyo.” (Mateo 7:12) Ito ang naturang gintong batas o “golden rule” na iniwan ng ating Panginoong HesuKristo. Bagamat, malinaw na tinutukoy ng Panginoon ang ating kapwa-tao sa batas na ito, hindi ba, saklaw din nito ang ibang nilikha ng Diyos? Hindi ba, kasama rito ang mga hayop at iba’t ibang anyo ng kalikasan?
Napakinggan natin noong isang gabi ang pagbabahagi ng pari tungkol kay Propeta Jonas. Sinabi ng pari na kakaiba ang galing ni Propeta Jonas. Lahat ng mga taga-Niniveh ay nakinig sa babala ng propeta na kung hindi sila magbabago ay mawawasak ang lahat sa Niniveh sa loob ng 40 araw. Iniutos ng hari na ang lahat ng taga-Niniveh mula sa kanya hanggang sa pinakamaliit na mamamayan kasama ng mga hayop ay magsusuot ng sako, pupunuin ang sarili ng abo at mag-aayuno bilang tanda ng pagsisisi at pagnanais na magbalik-loob sa Diyos at ganu’n ang nangyari. Ultimo ang mga hayop ay nag-ayuno at nagbalik-loob sa Diyos. Kung palalawakin natin ang nangyari sa Niniveh, maaari nating isama ang mga isda, halaman, ibon, insekto at lahat ng anyo ng kalikasan, nakikita man o hindi.
Ang malalim na mensahe ng aklat ni Jonas ay hindi lang ang kahalagahan ng pagsisisi kundi ang pagkakaisa at pagkakaugnay-ugnay ng lahat — ng tao, kalikasan at lahat ng nilikha ng Diyos Ama. Dahil dito, kailangang ipamalas ng tao sa isip, salita at gawa ang kanyang malalim na kaugnayan sa kalikasan. Hindi ito mahirap para sa mga sinaunang malapit sa kalikasan. Tingnan natin ang mga magsasaka na halos araw-araw ay nagbubungkal at nag-aararo ng lupa, ang mga mangingisda na araw-araw nasa lawa at dagat, ang mga nasa kanayunan at kabundukan, ang kanilang kaugnayan sa sariwang hangin. Lahat silang malayo sa siyudad ay mayroong kakaibang kaugnayan sa araw mula sa malambing na init nito sa bukang-liwayway hanggang sa pag-aapoy nito sa katanghalian hanggang alas-2 ng hapon. Lapat na lapat ang kaugnayan ng tao sa apat na sangkap ng kalikasan ngunit, napakalayo ng marami, lalo na ng mga taga-siyudad sa kalikasan. Nakasapatos o nakatsinelas ang marami at halos hindi na alam ang pakiramdam ng mga paa na nakadikit sa lupa o nakalublob sa putikan. Bihira nang pumunta sa mga lawa o karagatan, maliban na lang kung nag-a-outing o namamasyal. Napakarumi nang hangin sa paligid kaya pilit na naghahanap ng mga lugar na de-aircon tulad ng mall. Sa init ng panahon, lahat ay kailangang magpayong upang maiwasan ang kakaibang init ng araw upang maiwasan ang mapanganib na ultra-violet rays na maaaring pagmulan ng matinding sakit tulad ng kanser.
Ito ang sakit ng mga mabubuhay sa kasalukuyang panahon, ang humihinang “connection” o kawalan ng kaugnayan sa kalikasan. Lumalaki ang milyun-milyong kabataan na mahina ang koneksiyon sa tao at labis naman ang koneksiyon sa gadgets. Napakalayo na natin sa mga sinaunang tribu na naniniwala sa mga espiritu ng kalikasan tulad ng espiritu ng tubig. Dahil kanila itong pinaniniwalaan, kinakausap, pinakikinggan at pinakikiramdaman, maingat nilang pinakikitunguhan ang mga ito dahil sa takot nilang magalit at maghiganti ang mga ito. Kaya itinuturing nilang kaibigan o kaagapay ang mga naturang espiritu, gayundin si San Francisco de Assisi. Tinatawag nitong kapatid ang lahat ng uri ng kalikasan, kapatid niya ang araw, tubig, hangin at lupa, gayundin ang kanyang pagtrato sa mga ito na may paggalang at pagmamahal.
Eh, paano kung maging mistulang kaaway ang kalikasan, paano kapag dumating ang matitinding bagyo, baha at tsunami at paano kung mawalan ng tubig tulad ngayon?
Sa gitna ng paghahanap ng solusyon ng pamahalaan at pribadong kumpanya ng tubig, hindi ba, kailangan na rin nating itanong ang dahilan ng tila nagiging kaaway ang kalikasan at kung paano natin maibabalik ang pananaw at pakikitungo sa kalikasan bilang ina, kapatid, kaibigan at kaagapay?





Comments