top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

DADAGIT NG IKA-6 NA PANALO ANG ATENEO PARA SA TOP SPOT

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 16, 2019
1 min read

NAKATAKDANG asintahin ang ika-anim na sunod na panalo ng namumunong Ateneo de Manila para tumatag sa pagkakaluklok nila sa unang puwesto sa pagsagupa nito sa National University sa unang laro ng women’s division ngayong hapon sa UAAP Season ‘81 Volleyball Tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Naiposte ng Lady Eagles ang ika-5 sunod nilang panalo matapos pabagsakin ang Adamson Lady Falcons sa nakaraan nilang laban, 25-8, 22-25, 25-16, 25-10.

Gayunman, inaasahang hindi magiging magaan ang lahat para sa Lady Eagles lalo pa’t inspirado ang Lady Bulldogs kasunod ng naitala nilang upset win kontra University of the Philippines.

Ayon kay NU coach Norman Miguel, ang paglalaro ng walang pressure ng kanyang players at pananatiling focus ang susi sa kani­lang naging 5-set win kontra Lady Maroons.

Sa huling laban, nakaahon mula sa kinasadlakang dalawang dikit na kabiguan, magsisimula ng panibagong winning streak ang defending champion DLSU Lady Spikers matapos makabalik sa win column sa pamamagitan ng straight sets win kontra UE Lady Warriors sa pagsagupa nila sa FEU Lady Tamaraws.

Pero kahalintulad ng unang salpukan, tiyak na dikdikan din ang tapatang La Salle at FEU na kasalukuyang magkatabla sa 2nd place kasama ng UST taglay ang barahang 4-2 (panalo-talo). Itataya ng Lady Tamaraws ni coach George Pascua ang ipinoste nilang tatlong sunod na panalo, pinakahuli kontra Adamson University.

Samantala sa men’s division, magtatangka ang FEU Tamaraws na mawalis ang first round sa pagpuntirya ng ika-7 sunod nilang tagumpay kontra DLSU(2-4) habang mag-aagawan ang Ateneo (4-2) at defending champion NU (5-1) sa ikalawang puwesto. (VA)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page