top of page
Pokwang.jpg

Worried dahil tatlong linggo nang inuubo

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 15, 2019
2 min read

Dear Doc. Shane,

Ang ubo ko ay ma­higit 3 linggo na subalit, hindi pa ito nawawala hang­gang ngayon. Ma­lakas na­man ako sa tubig at iniinuman ko rin ito ng lagundi subalit, hindi pa rin nawawala ang aking ubo. Naba­bahala ako dahil baka ito ay sintomas na ng mas malalang sakit tulad ng pul­monya, gayundin, nakaaapekto na ito sa araw-araw kong gawin. Ano kaya ito? — Nelson

Sagot

Ang cough o ubo ay hindi sakit kundi ito ay sintomas lamang ng sakit na kadala­sang nakaaapekto sa daluyan ng hangin at sa bandang lalamunan. Ang pag-ubo, ang normal na pam­a­maraan ng katawan upang maialis ang anumang bagay na naka­sasa­gabal sa paghinga o particles na nakaiirita sa daluyan ng hininga. Dahil dito, napupu­wer­sang maitulak palabas ang bagay na nakasa­sagabal o ang sanhi ng iritasyon. Ito ay normal at pangkarani­wang nararana­san ng taong may malusog na panga­ngata­wan ngunit, kung ang ubo ay may kasa­mang plema na kakaiba ang kulay o kaya naman dugo, maaaring indikas­yon ito ng iba pang mas seryosong karamda­man. Dapat tandaan na ang pag-ubo ay puwersang nanganga­ila­ngan ng enerhiya kaya ang patuloy na pag-ubo ay maa­aring magdulot ng sobrang pagkapagod, sakit ng ulo, pagiging antukin pagkarupok ng mga buto dahil sa ilang kondisyon tulad ng osteoporosis.

Narito ang ilan sa mga seryosong sakit na madalas na dahilan ng pag-ubo:

  • Bronchitis

  • Chronic obstructive pulmonary disease (COPD)

  • Emphysema

  • Kanser sa baga

  • Laryngitis

  • Tuberculosis

Ang mga tao na nakararanas ng mga karaniwang sakit tulad ng asthma, allergies, pul­monya, sipon, trangkaso at whooping cough ay madalas ding nagkakaubo ngunit, bukod sa mga ito, ang taong aksidenteng nakalanghap ng bagay na nakaiirita sa lalamunan o ‘yung mga kaso na nabilaukan ay makaranas din ng tuluy-tuloy na pag-ubo hangga’t hindi nailalabas ang sanhi ng ubo. Ang pagkakaroon ng parasitiko sa katawan ay maaari ring maging sanhi ng ubo.

Ang plema ay isa rin sa mga madalas na itinuturong dahilan ng pag-ubo. Ito ay nabubuo kapag nagkaroon ng impeksiyon ng bacteria, virus, yeast o anumang bagay na nakaiirita sa daluyan ng paghinga. Ang ubo na dulot ng plema na nabubuo mula sa karaniwang impeksi­yon ay kusang nawawala kahit na walang gamu­tan, kailangan lamang mailabas ang lahat ng plema na naipon sa daluyan ng paghinga.

Kung ang ubo ay biglaan at tumatagal lamang ng 3 linggo, ito ay acute. Kung ito naman ay tumatagal ng higit pa sa tatlong linggo, ang ubo ay tinatawag na chronic. Ang ubo rin ay maaaring non-productive o mas kilala bilang dry cough o productive o ubo na may kasamang plema.

Tulad ng sipon, ang ubo ay karaniwang sakit na maaaring maranasan ng lahat ng tao. Wala itong pinipiling edad o kasarian, bagaman, pina­kamataas ang mga kaso nito sa kabataan na nasa paaralan. Higit ding naa­apektuhan ang mga taong may mabababang resis­tensiya at naninigarilyo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page