top of page
Pokwang.jpg

Tatlong Obispong kritiko ni P-Duterte, kabi-kabila ang death threat, susmaryosep!

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 15, 2019
2 min read

NAGLABAS na ng water interruption schedule ang Manila Water sa lahat ng kanilang sineserbisyuhang lugar at hindi maganda ang hinaharap ng maraming taga-Metro Manila. Nasa anim hanggang dalawampung oras mawawalan ng tubig sa naturang mga lugar. Tila bumalik tayo sa mga taon na nawalan din ng tubig sa lungsod. Wala tayong magagawa kundi magtiis. Ang problema ay posibleng hanggang ngayong Agosto pa ang ganitong sitwasyon.

Hindi ba ito nakita ng mga opisyal at tila ngayon lang nagkakagulo hinggil sa rasyunan ng tubig? Tila ngayon lang nagtatanong ang mga mambabatas kung anong nangyari? Iimbestigahan daw ng Senado ang sitwasyon at kung ano ang mga puwedeng gawin, pero biglaan lang bang bumaba ang lebel ng tubig sa La Mesa Dam na parang may humila ng kanyang pambara? Hindi ba, dapat noon pa pinag-usapan ang mga puwedeng gawin kung unti-unti nang bumaba ang lebel? Hindi ba, normal ang lebel ng Angat Dam na pinanggagalingan ng tubig sa La Mesa Dam?

◘◘◘

Ilang Obispo ang naglabas ng pangamba sa natatanggap nilang banta sa kanilang buhay. Tatlong Obispo umano na kilala ring kritiko sa madugong kampanya kontra sa iligal na droga ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naka­tanggap ng mga banta. Nagpahayag noon si Pangulong Duterte na “holdapin daw ang mga Obispo dahil mayaman at kapag lumaban, patayin, maglibing daw ng Obispo, puro may asawa”. Agad nagpahayag ang tagapagsalita ng gobyerno na biro o hyperbole at dagdag pa na mga kritiko raw ni Pangulong Duterte ang nasa likod ng mga banta para mapasama ang administrasyon, pero hindi ‘yun ang punto. Sinuman ang nasa likod ng mga banta, maging tagasuporta o kritiko ng adminis­trasyon, nabigyan ng pagkakataon dahil sa mga pahayag ni Pangulong Duterte. Kung hindi siya nagsalita ng ganyan, walang dahilan para kumilos ang mga nasa likod ng mga pagba­banta. Maaaring mayroong panatiko riyan na literal na sundan ang mga salita ni Pangulong Duterte o kritiko na nakakita ng pagkakataong pasa­main ang imahe ng gobyerno. Sa totoo lang, kinakailangang mag-ingat ang pangulo sa mga salitang binibitiwan o ipinaha­hayag nito dahil siya ang itinuturing na pinakamataas na opisyal ng bansa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page