Puganteng Koreano, timbog

TIKLO ng pinagsanib na tauhan ng Manila Police District (MPD), Korean Police at Bureau of Investigation (BI) ang isang puganteng Korean national matapos ang isinagawang operasyon, kamakalawa ng hapon na nagsimula sa Ermita, Manila at nagtapos sa Makati City.
Nasa kustodiya na ni BI Fugitive Search Unit Chief Bobby Raquepo, ang suspek na si Kim Youngin, 41, ng Unit 914, One Rockwell, West Tower, Makati City.
Batay sa ulat, alas-3:30 ng hapon nang maaresto ang suspek sa lugar matapos sumablay ang tip ng isang asset ng pulis na nakita ito sa Ermita, Manila.
Agad namang nagtungo ang grupo sa One Rockwell, Makati City nang makumpirma na nagpunta na sa lugar ang Koreano.
Bitbit ang mission order na inisyu ni Commissioner Jaime Morente noong Pebrero 27, inaresto ang suspek.
Ayon kay Korean Police Attache Kwon Hyosang, ang suspek ay may kaso sa Korea na voice phishing at swindling at sangkot sa $530,000 telecommunications fraud na naka-docket sa ilalim ng WLO No. RAGE/BOC-16-77 na inisyu ng Justice of the Republic of Korea noong Marso 14, 2016. Tumakas umano sa Korea ang suspek at nagtago sa Pilipinas.





Comments