Diskriminasyon sa mga pampublikong transportasyon, stop!

ISYU talaga para sa ating mga Pilipino ang pisikal na kaanyuan, ‘yung tipong maging sa pampublikong transportasyon ay nagkakaroon din ng mga hindi pagkakaunawaan.
Halimbawa, kapag sasakay tayo sa mga pampublikong transportasyon kung saan may senaryo na pinagbabayad ng pandalawang tao ang mga indibidwal na matataba.
Nakaiinis dahil sa totoo lang, hindi naman na dapat nagiging isyu ang ganitong mga bagay, lalo na at pangkaraniwan lang naman ito.
Dagdag pa rito, marami ring inireklamo noong mga taxi driver na namimili ng mga pasaherong mapapayat. Tsk! ‘Yun lang!
Kaya naman kinondena ng Commuters Safety and Protection ang diskriminasyong nararansan ng mga malulusog na pasahero kung saan anila, dapat pantay-pantay ang turing sa lahat ng mamamayan payat o mataba man.
Bagama’t, minsan ay may punto rin naman sila, pero hindi natin masasabing tama ito dahil kung tutuusin ‘yung iba nga riyan, kahit hindi mataba, eh, grabe kung bumukaka sa jeep.
Kaya ang panawagan natin sa lahat, lalo na sa mga driver, patunayan ninyo ang inyong pagiging “sweet lover”!
Hanggat maaari ay lawakan ang pang-unawa at magkaroon ng malasakit sa kapwa.
Kung pakiramdam naman ninyo na nadedehado kayo, puwede naman itong sabihin nang maayos at huwag agad idaan sa init ng ulo.
Kung hindi naman kayo sasang-ayon, hintayin n‘yo na lang na mayroon sa inyong magreklamong pasahero. He-he-he!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments