Apektado ng shortage | 5 OSPITAL, RARASYUNAN NG TUBIG

MAGRARASYON ng tubig ang Manila Water sa limang ospital sa Metro Manila na apektado ng water shortage.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, kabilang sa mga ospital na apektado ng kakulangan sa suplay ng tubig ang Rizal Medical Center (RMC), National Center for Mental Health, National Kidney Transplant Institute (NKTI), Philippine Children’s Medical Center at Quirino Memorial Medical Center.
Paliwanag ni Duque, 50 porsiyento ng kabuuang water supply ay kailangan para masustena ang operasyon ng mga naturang ospital.
Inaasahan naman ni Duque na kahapon ay sisimulan na rin ng Manila Water ang pangakong susuplayan ng tubig ang naturang mga ospital upang hindi maantala ang kanilang mga operasyon.
Ayon sa mga kinatawan ng East Avenue Medical Center, Lung Center of the Philippines at Philippine Heart Center, hindi pa naman apektado ng kakulangan sa tubig ang kanilang operasyon.
Una nang sinuplayan ng Philippine Red Cross (PRC) ng tubig ang RMC batay sa kahilingan ni Sec. Duque.
Ayon kay PRC Chairman at Senator Richard Gordon, nagpadala siya sa RMC ng dalawang 12-liter at apat na 10-liter water tankers na kayang magkarga ng hanggang 64,000 liters ng tubig kada batch upang punuan ang 145,000-liter reservoir ng pagamutan.





Comments