Edukasyon ng mga out-of-school youth, bigyang-prayoridad!
- Win Gatchalian
- Mar 14, 2019
- 2 min read

ANG kabataan ang pundasyon ng kinabukasan ng ating bansa, ang pag-asa ng bayan tungo sa mabuting buhay at ang lakas ng lipunan na magpapaunlad sa susunod na henerasyon.
Mahalaga na walang hadlang at pantay-pantay ang pagtrato kahit anuman ang katayuan sa buhay. Kasama rin dito ang kanilang karapatang maging masaya, produktibo at magtagumpay sa mga pangarap tulad ng pagtatapos sa pag-aaral.
Ayon sa pag-aaral ng World Bank na “Out-of-School Children and Youth in the Philippines: Issues and Opportunities”, humigit-kumulang 8 hanggang 10 milyon ang mga out-of-school youth sa ating bansa. Nag-triple ito sa loob ng nagdaang dekada kung saan ang pinakamataas na porsiyento ay matatagpuan sa National Capital Region (NCR).
Ang out-of-school youth o OSY ay mga miyembro ng pamilyang may edad 6 hanggang 17 na hindi nabigyan ng oportunidad na makapag-aral sa pormal na paaralan, habang ang 18 hanggang 24 taong gulang naman ay hindi naka-enroll sa paaralan na hindi nakapagtapos sa kolehiyo at walang trabaho.
Ang layunin ng panukalang-batas na Senate Bill. No. 1000 o Magna Carta of the Out-of-School Youth na magsagawa ng programang technical at vocational trainings para sa kanila at ng Alternative Learning System (ALS) sa pamamagitan ng non-formal education at school-based programs mula sa basic education hanggang kolehiyo.
Walang babayarang matrikula ang mga mag-aaral na naka-enroll dito, maging ang lahat ng materyales na kanilang gagamitin sa pag-aaral. Kapag sila ay nakapagtapos na ng kolehiyo, ang bawat isa ay mabibigyan ng oportunidad na makapagtrabaho sa gobyerno na hindi bababa sa dalawang taon.
Ang Alternative Learning System Accreditation and Equivalency Classes (ALS A&E) and Livelihood Programs ng Department of Education (DepEd) ay binuo upang matulungan ang mga OSY, manggagawa, may kapansanan, nakalaya sa bilangguan, dating rebelde ng gobyerno, katutubo at iba pang nahinto sa pag-aaral, ngunit, gustong muling makabalik at matuto.
Ang Department of Health (DOH) naman ay makikipagtulungan sa lokal na pamahalaan upang magkaloob ng malawakang programa. Katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Out-of-School Youth Welfare Council, sila ay magdaraos ng social activities para sa kabataan tulad ng paglalaro, pagsasayaw, arts at crafts upang mapaunlad ang sarili at kapakanan para sa kanilang kinabukasan.
Ang mga OSY na humaharap sa mahihirap na sitwasyon tulad ng biktima ng pisikal at seksuwal na pang-aabuso, prostitusyon, human trafficking, panggagahasa, insesto at mga kaugnay nito ay pagkakalooban ng protective custody, medical at dental services, psychological evaluation, counseling, financial assistance at iba pa.
Naniniwala tayong sa pamamagitan ng angkop na mga batas sa ating bansa ay makatutulong sa pagtupad ng mga obligasyon ng pamahalaan sa taumbayan at koordinasyon sa mga kapwa-miyembro natin sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) para sa kapakanan ng mga OSY.
Bilang indibidwal na malapit ang loob sa kabataan, hangad nating gawing prayoridad ang paggawa ng mga panukalang-batas na magpapabuti ng sistema ng edukasyon. Patuloy pa nating tututukan ang mga ito upang ganap nang maging batas para mapakinabangan ng ating mga kababayan!
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments