Worried kung nakahahawa ang dengue

Dear Doc. Shane,
Ako ay may anim na anak at ang isa sa kanila ay naospital dahil nagkaroon ng dengue. Gusto kong malaman kung mayroon bang posibilidad na mahawahan ng anak kong may dengue ang iba pa niyang kapatid? Nag-aalala ako dahil wala kaming pera kapag nagkasakit silang lahat. — Viring
Sagot
Ang dengue fever ay kondisyon na dulot ng dengue virus na siya namang dala ng ilang uri ng lamok tulad ng Aedes aegypti. Hindi nakahahawa ang dengue, tao sa tao dahil kagat lamang ng lamok na may dalang dengue virus ang sanhi ng pagkakasakit nito. Ang pagkakaroon ng lagnat at pagdurugo sa katawan ay dalawang pangunahing sintomas ng dengue, ito ang tinatawag na “dengue hemorrhagic fever”.
Ano ang gamot sa dengue fever?
Kusang nawawala ang dengue fever matapos itong magsanhi ng iba’t ibang sintomas sa loob ng ilang araw hanggang isang linggo subalit, mahalagang bantayan nang mabuti ang pasyente na may dengue fever.
Narito ang ilang tips upang gumaling agad ang pasyente:
Kumpletong pahinga. Alisin ang mga bagay na nakai-stress kapag estudyante ang pasyente, makabubuti kung liliban muna ito upang makapagpahinga ng husto.
Uminom ng maraming tubig, juice, soup at iba pa. Ang pagpapanatili ng sapat na tubig sa katawan ay mahalaga para sa gamutan ng dengue.
Mahalagang magpa-check-up agad sa doktor kung may mataas na lagnat na may kasamang mga sintomas. Ang pasyente ay maaaring maospital kung kinakailangang tiyakin ang sapat ng tubig sa katawan sa pamamagitan ng suwero o IV fluid hydration at para ma-monitor kung magkakaroon ito ng pagdurugo sa katawan at masalinan agad ng dugo kung kinakailangan.
Iwasan ang pag-inom ng aspirin o ibuprofen sapagkat ang pag-inom nito ay nakatataas ng posibilidad na magkaroon ng kumplikasyong pagdurugo sa katawan ang dengue. Sa halip, uminom na lamang ng paracetamol na siyang ligtas na pampababa ng lagnat at sakit ng ulo sa mga may dengue.





Comments