Bagong barko at helicopter na makukuha ng Navy, walang space, ngek!
- BULGAR

- Mar 13, 2019
- 2 min read
NARITO na naman ang bago nating problema, ang kakulangan sa tubig. Pinakamababang lebel ng tubig ang naitala sa La Mesa Dam, ang tumatanggap ng tubig mula sa Angat at Ipo Dams. Ang La Mesa Dam ay tila balde ng tubig para sa Metro Manila. Ang tubig na ito ay nililinis ng mga planta sa Balara at La Mesa. Sa ngayon, mataas-taas pa ang lebel ng tubig sa Angat at Ipo Dams, pero hindi puwedeng basta na lang magpalabas ng tubig patungong La Mesa Dam.
Ang kailangan ng La Mesa Dam ay ulan, pero papasok pa lang tayo ngayong panahon ng tag-init na mukhang El Niño pa kaya posibleng mahaba-haba ang tag-init ngayong taon. Hindi masyadong nag-uuulan nitong mga nakaraang buwan, gayundin hindi nagkaroon ng pangamba na aapaw ang La Mesa Dam. Dahil sa kakulangan ng tubig, alam na natin ang mangyayari kabi-kabila na naman ang pagrarasyon ng tubig sa bawat lugar na nangangailangan nito, gayunman, may ilang lugar ang hindi na nakatatanggap ng tubig ng ilang oras, bagay na kailangang matukoy ng gobyerno. Napakahirap pa naman ng walang tubig dahil napakaraming hindi magagawa nang maayos. Ipagdasal na lang natin na maagang dumating ang tag-ulan.
◘◘◘
Inamin ni Philippine Navy Flag Officer in Command Vice-Admiral Robert Empedrad na walang mapaglalagyan ang mga bagong barko at helicopter na makukuha ng Navy ngayong mga darating na taon. Bukod sa dalawang kontrobersiyal na missile frigates mula South Korea, nakabili rin ng dalawang Augusta helicopters na pangontra ng submarine at isa pang barko. Wala na raw mapaglalagyan ang mga barko pati rin ng helicopter.
Hindi na kailangang lumayo ni Admiral Empedrad. Umikot lang siya sa Metro Manila at makikita niya ang kaparehong problema. Napakarami ang nagpaparada na lang basta ng kanilang sasakyan sa kalsada dahil walang sariling garahe. Nakabibili ng sasakyan, pero wala namang mapaglagyan, pero balik tayo sa Navy, kung ang kanilang problema ay ang paglalagyan, gawan na lang nila ng paraan. Ang hangar para sa mga helicopter ay magagawa naman at para naman sa mga parating na malalaking barko, hanapan na lang ng malalalim na pagdadaungan. Nandiyan naman ang mga pier sa Manila Bay at Subic kung kakailanganin.





Comments