TIBOD, KAMPEON SA JAZZ CHILLING RAPID SA CEBU

BINALEWALA ni Bonn Rainauld Tibod ang mababang pre-tournament seedings at sa halip ay umalagwa sa pangungulekta ng 7 magkakasunod na panalo upang maitakbo ang kampeonato pagkatapos ng 7 rounds sa 2019 Jazz Chilling Rapid Open Chess sa Cebu.
Umangkla si Tibod, 11th seed, sa mga pagtuturo ng leksyon kina International Master Stephen Kim Yap (round 3), National Master Merben Roque (round 5), Lawrence Anthony Paradela (round 1), Norman Olayvar (round 2), Anthony Makinano (round 4), at Richard Natividad (round 7), para makaakyat sa trono.
Sa sobrang lupit ng tikas na nasaksihan mula kay Tibod, bagamat ang rating ay 2130 lang nang nagsimula ang bakbakan, ang kanyang performance rating sa torneo ay umangat sa napakataas na 2959.
Naobligang makuntento sa paghawak sa 2nd place si Yap, second ranked sa paligsahan, dahil sa naisalbang anim na puntos at mas mataas na tiebreak points habang napunta kay Jave Mareck Peteros ang 3rd place.
Kasama sa mga pumasok sa top 10 ng palarong inorganisa ng Barracks Chess Club sina Roque (4th), Yves Christian Fiel (5th), Diego Abraham Caparino (6th), Richard Natividad (7th), Makinano (8th), Michael Joseph Pagaran (9th) at Allan Salientes (10th) Samantala, sa FIDE World Rapid Chess Rankings, hawak pa ng troika nina GM Magnus Carlsen, GM Hikaru Nakamura at GM Fabiano Caruana ang unang tatlong puwesto.





Comments