top of page

Panawagan sa mga magulang, pagkonsumo ng mga kabataan sa social media, bantayan!

  • Win Gatchalian
  • Mar 12, 2019
  • 2 min read

DALAWA ang pangunahing rason kaya pumupunta sa computer shop ang mga mag-aaral — maaaring wala silang computer o internet sa bahay upang gumawa ng assign­ment o dahil gusto lang nilang aliwin ang kanilang sarili sa pamamagitan ng paglalaro ng online games.

Ayon sa ilang pag-aaral ng The Nielsen Company (Philippines), Inc. noong 2014, 26 porsiyento sa mga Pilipinong kabataan ang gumagamit ng internet, araw-araw, habang 49 porsiyento ang gumagamit nito isa hang­gang dalawang oras at 16.3 porsiyento naman ang nagbababad sa internet ng mahigit tatlong oras kada araw.

Matagal na nating ikinababahala ang masamang epekto sa mga menor-de-edad ng labis na paggamit ng cellphone, pamamalagi sa mga internet café o computer rental shop at iba pang mga nagkakaloob ng computer service.

Mas lalo itong nakaaalarma ngayong laganap ang paglabas ng mga “challenge” na pinaniniwalaan at nababalitang nakapa­ngangamba at mapanganib sa seguridad ng mga bata at kanilang pamilya.

Sa computer shop man o sa bahay sila gumagamit ng internet, napakahalagang ma­bigyan ng atensiyon ang mga guro, magulang at pamahalaan hindi lamang ang madalas na pagkonsumo ng mga kabataan dito kundi kung ano ang kanilang mga binibisitang web­site, pinanonood, binabasa at ginagawang aksiyon mula sa pag-i-internet.

Dahil dito, tinatawagan natin ang lahat na magkaisa sa paghihigpit at suriing mabuti ang tinatangkilik ng mga kabataan sa me­dia, lalung-lalo na sa social media at online strea­ming platforms tulad ng YouTube.

Sa ating mga magulang at guro, mainam na maging mapagmatiyag tayo sa ikinikilos ng atin mga anak. Panatilihing bukas ang ko­munikasyon at kumustahin ang kanilang pag-aaral.

Kung napapansin nating hindi na nakaga­gawa ng project o nakapagre-review at pa­lagi na lamang nagse-cellphone o nasa computer shop ang ating mga anak, maging wais sa pag­lilimita at pagbabalanse ng kanilang oras sa lahat ng bagay.

Sa kontribusyon naman ng gobyerno, ating itinutulak sa Senado ang Senate Bill No. 908 o Internet Café Regulation Act.

Kapag naisabatas na ito, hindi na maa­aring payagang makapasok ng may-ari ng mga computer shop ang mga menor-de-edad ha­bang tumatakbo ang classroom hours mula Lunes hanggang Biyernes.

Sa pamamagitan ng panukalang ito, mapoprotektahan natin ang mga kabataan mula sa kapahamakan at kapabayaan sa pag-aaral sa pamamagitan ng mahigpit na regu­lasyon.

Mapoprotektahan din ang kanilang ma­halagang papel sa pagpapaunlad ng ating ban­sa. Maitataguyod nating lahat ang kabutihan ng kanilang pisikal, moral, ispiritwal, mental at sosyal na katauhan.

Tandaan, walang masama sa paggamit ng internet, lalo na at nagiging isa na ito sa mga pangunahing pangangailangan ng indibidwal sa pakikipag-usap at pakikisalamuha sa iba ngunit, mayroon dapat limitasyon at kaila­ngang maging regulado ang pagkonsumo ng oras dito ng mga estudyante.

Hindi maaaring kung kailan na lang ma­isipang pumunta ng bata sa computer shop para maglaro, lalung-lalo na kapag oras ng kanyang klase.

Tulad ng kasabihan, mayroong oras para sa lahat ng bagay. Pangalagaan natin ang ka­pakanan, seguridad at kinabukasan ng kaba­taan kaya mainam na simulan natin sa paglu­tas mula sa maliit hanggang sa malalaking suli­raning ito.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page