Binu-bully, problemado sa love life | ESTUDYANTE NAGPAKAMATAY
- Maeng Santos
- Mar 12, 2019
- 1 min read

DEDO ang 18-anyos na estudyante matapos magbigti dahil umano sa depresyon at pagkabigo sa pag-big, sa Malabon City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Malabon Police Chief Senior Supt. Jessie Tamayao ang biktima na si alyas Jan, ng Bgy. Flores.
Ayon kay SPO2 Joselito Bagting, alas-11:20 ng gabi nang matagpuan ng kanyang ina na si Lunita, 38, ang biktima na nakabigti gamit ang kumot sa loob ng kanyang kuwarto.
Humingi ng tulong si Lunita sa kanilang mga kaanak saka pinutol ang kumot at mabilis na isinugod ang biktima sa Ospital ng Malabon subalit, hindi na rin ito umabot ng buhay.
Ani SPO2 Bagting, bago ang insidente, nag-post ang biktima sa kanyang Facebook account para umano sa girlfriend nito ng salitang “kung mamamatay ako ngayon, ano message mo sa akin”.
Dagdag pa ni SPO2 Bagting, maliban sa pagkabigo sa pag-ibig, binu-bully din umano ang biktima ng kanyang mga kaklase at dumaranas ng depresyon ayon sa mga kaanak nito.
Gumawa naman ng affidavit ang ina ng biktima na nagpapahayag na hindi interesado ang kanilang pamilya sa gagawing imbestigasyon ng pulisya dahil naniniwala sila na walang naganap na foul play sa insidente.





Comments