"Basag-bus" bagong raket ng mga kawatan, ingat!

NOON, basag-kotse ang problema ng mga may-ari ng sasakyan. Ngayon, basag-bus naman ang bagong raket ng mga demonyong nagkukunwaring carwash boys, pero mga kawatan pala.
Dumulog sa himpilan ng pulisya ang may-ari ng bus na itago natin sa pangalang Mang Kanor para ireklamo ang dalawang kalalakihang nagboluntaryong maglinis sa kanyang nakaparadang bus sa kanyang terminal.
Dahil sa mala-anghel na pananalita, pinagbigyan niyang hugasan at linisin ang kanyang nakaparadang bus dahil kapaparada pa lamang nito mula sa maghapong pamamasada, isinara pansamantala ng kanyang tsuper ang lahat ng bintana nito, gayundin ang pintuan na ang hindi niya alam ay huhugasan ito at lilinisin kaya sa pagmamadali ay naiwan nito ang kanyang bag sa driver’s seat na naglalaman ng mahahalagang gamit nito.
Nakunan pa ng closed circuit television (CCTV) camera ang pagbasag ng suspek sa salamin ng bintana sa gawing kaliwa ng driver seat kung saan pilit nitong dinukwang ang naiwang bag ng driver na may lamang pera, cellphone at mga importanteng papeles ng tsuper na ngayon ay hindi makapag-drive dahil pati driver’s license nito ay tinangay ng hinayupak na suspek na nagkunwaring carwash boy, pero kawatan pala.
Wala na talagang ligtas na lugar ngayong panahong ito kaya tripleng pag-iingat na lamang ang dapat gawin ng mga ka-BULGAR natin dahil baka mabiktima rin kayo ng dalawang hinayupak na ito na gumagala sa Kalakhang Maynila.
Ikaw kaibigan, anong sey mo?
Sa susunod, sino si alyas James na napakaastig, bastos, balasubas at buwitre umano ng mga vendor sa kahabaan ng T. M. Kalaw sa Maynila?
Laging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!
Ligtas ang may alam!
Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!





Comments