THAI WEIGHTLIFTERS, BUKING SA BAN SUBSTANCE, DIAZ, MAY TSANSA NA

SOPITA Tanasan. Sukanya Srisurat. Ito ang pangalan ng mga Thai lady lifters na naging hadlang sa paglalakbay ni Hidilyn Diaz ng Pilipinas sa mga nakaraang torneo.
Si Tanasan ay naging world champion na samantalang si Srisurat ay may hawak ng world records. Sinumang kinatawan ng Thailand na lalahok sa 2020 Tokyo Olympics ay malaking bikig sa lalamunan ng Pinay sa pagnanais na makakuha ng ginto.
Kinumpirma ang boluntaryong hindi paglahok ng Thailand sa 2020 Olympiad dahil sa drug related cases na mahigpit na ipinagbabawal sa larangang ito.
Ayon sa International Weightlifting Federation (IWF), nagpahayag ang Thai Amateur Weightlifting Association na hindi na magpapadala ng kinatawan sa Olympics pati na rin sa Olympic qualifiers at sa world championships sa 2019 Thailand.
Isa si Srisurat sa umano’y gumamit ng substance na labag sa anti-doping policy. Nairehistro ito nang lumahok siya at magwagi sa 2018 World Weightlifting Championships sa Turkmenistan. Limang iba pang Thai weightlifters ayon sa ulat ng International Weightlifting Federation o IWF, ang lumabag sa panuntunan pagdating sa substance na tinatawag na testosterone at androstane.
Kasama rin sa talaan ang mga kababaihang sina Tanasan, Thunya Sukcharoen, Chitchanok Pulsabsakul, Duanganksnern Chaidee at at ang lalaking si Teerapat Chomchuen.
Base sa panuntunan ng IWF tungkol sa anti-doping na nagkaroon ng bisa noong Abril 2018, alin mang bansa na magkakaroon ng tatlo o higit pang kaso ng “positive” sa loob ng isang taon ay posibleng mapatawan ng multang $200,000 at apat na taong suspension (maximum).
Ang pinal na desisyon ay ilalabas ng Sanctions Panel.
Naghihigpit ang International Olympic Committee at nakabantay sa mga aktibidades ng IWF pagdating sa paglilinis ng bakuran nito. Sa ngayon ay tuloy pa rin si Diaz sa pag-iipon ng puntos para makapasok sa Olympics.
Nasa pang-16 na baytang (829.5184) ang Pinay base sa naipong qualifying points para siya makasali sa 55 kgs na kategorya ng Tokyo Olympiad. Ang Thai na si Srisurat ay nasa 6th place (1,292.6207) habang dalawang kinatawan ng China, sina Yajun Li (2,125.790 at Huihua Jiang (2,041.1354), ang mga may hawak ng unang dalawang puwesto.





Comments