Tamang ayuda na matatanggap ng mga pamilyang apektado ng demolisyon, alamin!
- Alvin Feliciano
- Mar 11, 2019
- 2 min read

ISA ang Presidential Commission for the Urban Poor o PCUP sa mga ahensiya ng gobyerno na unang tumugon sa deklarasyon at kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na tinatawag na “No Demolition Without Relocation Policy”
Dahil sa kautusang ito, sinisiguro ng PCUP na ang bawat maralitang pamilya na may threat ng demolisyon ay mabibigyan ng maayos na relokasyon o financial assistance. Sinisiguro rin ng PCUP na naaayon sa batas at makatao ang gagawing pagpapaalis.
Tanong: Magandang araw! Ako si Edel, nabasa ko ang kolum ninyo na tumutulong kayo sa mga nangangailangan na tulad ko. Hihingi sana ako ng tulong kasi ide-demolish na kami sa Rizal, next month. Nakatanggap kami ng sulat galing sa korte na paaalisin na raw kami ng pamilya ko. Mahirap lang kami at may tatlong maliliit na anak. Wala kaming ibang matutuluyan kapag pinaalis kami rito. Sana matulungan ninyo kami.
Sagot
Kung nakatanggap na ng abiso mula sa korte o sa inyong lokal na pamahalaan na paaalisin na kayo sa inyong lugar, maaaring sumangguni o sumulat sa PCUP upang mai-validate ng ating mga Area Coordinator (AC) sa lalong madaling panahon ang inyong kaso at para maihanda rin ang isasagawang Pre-Demolition Conference o PDC.
Ang PDC ay isang pagpupulong kung saan ipatatawag ng PCUP ang mga apektadong pamilya, ang may-ari ng lupa o sinumang tao na nagpapaalis at iba’t ibang ahensiya ng gobyerno tulad ng DILG, PNP, DSWD, NHA, CHR at pamahalaang lokal. Layunin ng PDC na maging makatao ang gagawing demolisyon at matiyak na ang nakasaad sa Section 28 ng Republic Act No. 7279 o Urban Development and Housing Act ay maipatupad nang maayos. Ito rin ay requirement upang mabigyan ng police assistance sa isasagawang demolisyon.
Sa kaso naman ninyo Mang Edel, kung pinal na ang hatol ng korte na kayo ay paaalisin na, ang maitutulong namin sa inyo ay masiguro na mayroon kayong maayos na relokasyon o financial assistance tulad ng nasabi natin sa itaas.
Nais lamang nating ipabatid sa ating mga mambabasa na hindi layunin ng PDC na i-postpone o iantala ang utos ng korte dahil sinisiguro lamang ng PCUP na ang mga maralitang apektado ng demolisyon o ebiksiyon ay mabibigyan ng tamang ayuda.
Kung mayroong mga katanungan o nais ihingi ng tulong tungkol sa demolisyon o ebiksiyon, maaari kayong sumulat o pumunta sa opisina ng PCUP sa Quezon City upang magabayan kayo ng ating mga Field Operations Division Head at pati na rin ng ating mga Area Coordinator.




Comments