Labanan ang killer dengue!

DAHIL uso ngayon ang pagkakaroon ng sakit na dengue, nanawagan si Health Secretary Francisco Duque III sa mamamayan na isagawa ang ‘4s’ strategy upang labanan ang nasabing sakit.
Ito ay matapos ilabas ang datos na umabot na umano sa 36, 664 ang bilang ng kaso ng dengue sa bansa sa unang dalawang buwan ng taon kumpara sa 21, 961 ng kaparehong panahon noong 2018.
Ang ‘4s’ campaign ay tumutukoy sa search and destroy mosquito breeding sites; secure self-protection measures o ‘yung paggamit ng mosquito repellent at pagsusuot ng mahahabang pantalon at manggas; seek early consultation at support fogging/spraying, lalo na sa mga lugar na tumaas ang kaso ng dengue.
Dagdag pa rito, ayon sa ahensiya, ang unang hakbang para makaiwas sa mga sakit na dulot ng lamok ay nagsisimula sa mga bahay kung saan dapat ng iwasan ang pag-iimbak ng tubig kung hindi naman ito kinakailangan, gayundin, importante na alisin at linisin ang mga bagay na mayroong stagnant water na posibleng pamugaran ng lamok.
Sa ngayon, umabot na sa 140 ang mga nasawi dahil sa dengue na naitala noong February 23, kaya huwag nating hahayaan dahil sa ating kapabayaan at hindi pagiging maalam ay may buhay na namang mawala nang dahil sa lintik na lamok na ‘yan!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments