Kung hindi masosolb | Taumbayan, kawawa sa awayan ng mga oligarkiya
- BULGAR

- Mar 11, 2019
- 2 min read
DALAWANG dilawang oligarkiya ng Iloilo, palaban hindi lang kay Pangulong Rodrigo Duterte kundi sa Kongreso rin.
Ang ibig sabihin ng “oligarkiya” ay ang mga mayayamang malapit sa gobyerno at madalas kaya naging mayaman ay dahil sa mga ginagawa ng administrasyon para sa kanila.
Ang dalawang oligarkiya at ang mga pamilyang Cacho ng Iloilo at Lopez na nagmamay-ari rin ng ABS-CBN.
Ang dalawang ito ay ang may-ari ng Panay Electric Co. (PECO) kumbaga, ang “Meralco” ng Iloilo City o monopolyong kumpanyang pangkuryente roon.
Matapos ang mahigit isang taong debatehan sa Kongreso, hindi na nito ini-renew ang prangkisa ng PECO.
Ibinigay ang prangkisa noong nakaraang buwan sa bagong kumpanyang MORE Electric Power.
Ang pinakamalaking may-ari nito ay ang bilyunaryong si Enrique Razon na sinasabing pangatlong pinakamayamang Pilipino ngayon, pagkatapos nina Manuel “Manny” Villar at John Gokongwei.
Nagalit daw ang mga taga-Iloilo City sa PECO dahil madalas daw ang brownout at maling pagsisingil ng kumpanya sa mga kustomer nila.
Ang kinikita raw ng PECO ay napupunta sa bulsa ng mga may-ari sa halip na gastusin para sa mga gamit na magpapabuti ng serbisyo nila.
Sobra-sobra na raw ang 95 taon nang monopolyo para sa kuryente ang PECO sa Iloilo City. Tama na, palitan na raw!
‘Yun, pinirmahan agad ni P-Duterte ang panukalang-batas ng Kongreso na ibigay ang monopolyo na mamamahagi ng kuryente sa Iloilo sa MORE.
Ayon sa batas, dapat makipagnegosasyon ang MORE sa PECO para mabili nito ang mga gamit para sa pamamahagi ng kuryente tulad ng mga istasyon, kable at poste ng elektrisidad.
Hindi na nga naman ito magagamit ng PECO, binigyan pa raw ng dalawang taon ang PECO upang mailipat ang monopolyo sa MORE.
Eh, imbes na makipag-usap sa MORE, eh, inanunsiyo nila na hindi sila papayag na mawala sa kanila ang negosyong elektrisidad sa Iloilo.
Nagsampa umano sila ng kaso sa korte sa Mandaluyong na itigil ang proseso ng paglipat ng negosyo sa MORE.
Ang matindi, labag daw sa Konstitusyon ang ipinasang batas ng Kongreso at pinirmahan ni P-Duterte para mailipat ang monopolyo mula sa kanilang mga kamay patungong MORE.
Malaking problema ‘yan dahil ang Korte Suprema ang tanging may kapangyarihan na magdesisyon kung ang batas ay labag sa Konstitusyon.
Eh, sa rami ng mga kaso sa Korte Suprema ay aabot ng ilang taon bago makapagdesisyon.
Habang wala pang desisyon, maaaring mabagot o matakot ang mga bangkong magpipinansiyal sa MORE kaya baka umatras ito.
Kung mangyari ‘yan, eh, balik na naman ang happy days ng PECO na pag-aari ng mga oligarkiya!
Mayroong nagsasabi na ganito na lang daw ang paghahamon ng PECO kay P-Duterte dahil alam nilang mahigit tatlong na lang ang pangulo sa poder.
Umaasa silang kapag dilawan ang susunod na pangulo ay tiyak na hindi sila masisipa sa Iloilo.
Kaya ang nakalulungkot, ang tatamaan naman ng paghamon ng dalawang oligarkiya ay walang iba kundi ang mamamayan at negosyo sa Iloilo.





Comments