Malaking epekto ng "virtual world" sa kabataan, nakababahala!
- BULGAR

- Mar 10, 2019
- 3 min read
NAKAUSAP natin noong isang araw ang isang guro sa paaralang nasasakupan ng parokya na madalas nating dalawin. Naihinga sa atin ng guro ang kakaibang hirap at hamon sa pagturo ng kasalukuyang henerasyon ng mga kabataan. “Hirap na hirap silang makinig at umupo na hindi madaling mabalisa at mawalan ng pasensiya.” Dagdag pa ng guro, “kailangan mo pang tawagin ang pangalan ng mga mag-aaral na hindi mapakali na kuwento nang kuwento sa katabi o kung anu-ano ang ginagawa sa kanyang desk ngunit, hindi nakikinig sa guro. Mahirap talaga silang turuan at disiplinahin.”
Bakit hindi mapakali at hirap makinig hindi lang ang kabataan kundi ang maraming nakatatanda sa kasalukuyang panahon?
Mayroong libro na ang pamagat ay “Distracted”. Ipinaliliwanag dito ang kasalukuyang kondisyon ng maraming tao sa mundo. Ayon sa may-akda dahil sa “digital information explosion” o sa labis na pagkalat ng impormasyon sa pamamagitan ng internet, wala nang ginawa ang marami kundi sundan at hanapin ang mga bagong pangyayari at kakaibang impormasyon o kaalaman. Mayroon ba itong malinaw at malalim na kahulugan? Minsan, mayroon ngunit, kadalasan, wala nang malinaw na dahilan maliban sa nakasanayan nang “search-like-follow” sa internet. Kung tatanungin natin ang marami na palaging nakatitig sa kanilang mga cellphone at walang sawa sa pagse-search, follow, like, friend o unfriend, accept o block at iba pa kaya nilang pag-aksayahan nang mahabang panahon ang gawaing ito, hindi malayong sabihin nila, “wala lang, basta, gusto namin.”
Ganito ang kapangyarihan ng internet at gadgets sa kasalukuyang henerasyon. Hindi na mahalaga ang “reality” o ang tunay na nangyayari. Napalitan na ang “reality” ng “virtual reality.” Nasanay ang marami na tingnan ang katotohanan hindi sa kongkretong datos sa ilalim ng sariling mga mata. Mas pinipiling tingnan ang katotohanan sa cellphone sa pamamagitan ng mabilisan o instant information na galing sa internet.
Malaking bagay ang cellphone, tablet, personal computer at desk top computers ngunit, napakahalaga rin ng maraming bagay na hindi na kailangang dumaan sa “information highway” ng internet. Kailangan nating muling balikan at pahalagahan ang mga paraang natural at nakapagdudulot ng ginhawa sa ating buhay at pagkatao.
Sa mga nagdaan nating misa para sa mga batang mag-aaral sa iba’t ibang paaralan, napansin natin ang isa pang bunga ng “digital information highway” kung saan ang maraming kabataan ay abala sa sistemang “search-like-follow”, dahil maraming kabataan ang hindi na sanay sa “eye-to-eye contact”, pakikipag-usap at pakikinig sa mga nagsasalita. Mahirap nang gamitin ang mga mata upang makipag-usap sa kabataan ngayon. Hindi na uso ang bukambibig ng mga nakatatanda noon na, “makuha ka sa tingin”, bakit nagkaganito? Malinaw ang salarin, ang mga gadget. Kailangang palaging nakatingin sa monitor ng cellphone, tablet, computer o telebisyon. Kung mayroong “virtual reality” mayroon ding “virtual eyes” o “digital eyes” na konektadung-konektado sa mga gadget.
Eh, paano mauunawaan ang, “the eyes are the windows of the soul,” ang mga mata ang bintana o tanawan ng kaluluwa.
Makikita ba ang kaluluwa at ang malalalim na katotohanan sa internet? Makikita ba ang sarili nating kaluluwa sa monitor ng cellphone o computer?
Marahil, ito ang maaari nating gawin ngayong 40 araw ng Kuwaresma baka maaari nating bawasan ang paggamit ng mga cellphone, computer at sari-saring gadget, subukang hanaping muli ang mga natural na paraan ng pagpasok sa kalaliman ng ating mga isip, puso, diwa at kaluluwa.
Mayroon din tayong maaaring gawing “search-like-follow” sa tahimik na lugar habang nakaupo at nakapikit, marahang sinusundan ang mabagal at malalim na hininga, habang nakapikit ang ating mga mata at hinahayaang dumaan ang mga damdamin at isipan na hindi hinahabol, pinipigil kundi hinahayaan lang. Marahil, sa halip na tayo ang gumagawa ng “search-like-follow” hayaan natin na ang Diyos ang gumawa nito para sa atin.





Comments