top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Gustong malaman kung maaaring bawiin ang SSS membership

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 10, 2019
2 min read

Dear SSS,

Magandang araw! Nais kong malaman kung maaari bang i-withdraw ang pagiging miyembro sa SSS? — Sarah Bautista ng Valenzuela City

Sagot

Para sa inyong katanungan, hindi maaaring bawiin ang pagiging miyembro ng SSS sapagkat panghabambuhay ang SSS membership. Kahit nakapagbayad lamang ng isang hulog ang miyembro at hindi na naipagpatuloy ito, siya ay mananatiling miyembro ng SSS. Katunayan, kahit isa lamang ang hulog niya ay makatatanggap na siya ng benepisyo at ito ay ang benepisyo sa pagpapalibing.

Gayunman, ang miyembro na nawalan ng trabaho o tumigil na maging self-employed o overseas Filipino worker ay may option na ipagpatuloy ang pagbabayad ng kontribusyon sa SSS bilang voluntary member upang lubos niyang pakinabangan ang mga benepisyo na ibinibigay ng SSS.

Kahit sa mga panahon na walang hulog ang miyembro, maaari pa rin makakuha ng mga benepisyo at pautang na ibinigay ng SSS hangga’t natutugunan ng miyembro ang lahat ng kondisyon upang maging kuwa­lipikado sa alinmang benepisyo o pautang.

Hinihikayat namin kayong ipag­patuloy ang paghuhulog sa SSS sapagkat ito ay isang paraan ng forced savings o sapilitang pagtitipid bilang paghahanda sa ating pagreretiro. Ang kontribusyon na inihuhulog natin ngayon sa SSS ay babalik sa ating bilang pension sa katapusan ng produktibong taon ng ating buhay.

Bukod sa pension, nagbibigay din ang SSS ng benepisyo sa pagkaka­sakit, panganganak, pagkabalda, pagpapalibing at pagkamatay. Sa bagong batas ng SSS, magkakaroon na rin ng unemployment insurance. Sa ilalim ng probisyong ito, ang kuwalipikadong mga manggagawa na maaaring nakaranas ng biglaang pagkatanggal sa trabaho ay maaaring makatanggap ng tulong-pinansiyal na katumbas ng kalahati ng kanyang average monthly salary credit sa loob ng dalawang buwan. Dagdag pa rito, nag-aalok din ang SSS ng iba’t ibang pautang para sa dagliang pangangaila­ngan ng mga aktibong miyembro nito.

Ang miyembro rin ang makiki­nabang sa kontribusyong inihuhulog niya sa SSS.

Nawa’y nasagot namin ang iyong katanungan.

◘◘◘

Nais nating ipaalam sa ating mga retiree pensioner na bukas ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangaila­ngang pampinansiyal. Samantala, ang Loan Restructuring Program naman ay bukas hanggang sa ika-1 ng Abril 2019. Sa LRP, pinagaan ang pagbabayad ng mga loan balance ng ating mga miyembro. Inaanyaya­han natin ang ating mga pensiyu­nado o miyembro na nais mag-avail ng alinman sa dalawang progra­mang ito na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.

Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page