48-M shopping bags, 45-M thin-film bags at 3-M diaper, araw-araw | PLASTIK NA BASURA, LUMALA
- Ryan B. Sison
- Mar 10, 2019
- 1 min read

PLASTIK dito, plastik doon, ‘yung tipong kahit saan tayo lumingon, napakaraming plastik, hays!
Ito ay dahil umabot na umano sa 163 million plastic sachets kada araw ang plastic waste na naipo-produced sa Pilipinas.
Nalaman ito matapos ang limang taong trash-audit na ginawa ng environmental group na Global Alliance for Incinerator Alternatives o GAIA.
Sinabi ni Froilan Grate, executive director ng Gaia Asia-Pacific na lumitaw sa pag-aaral na ang mga Pinoy ay nagtatapon ng 48 million plastic shopping bags, 45 million thin-film bags at 3 milyong diaper, araw-araw.
Isinagawa ang audit ng Mother Earth Foundation sa pamamagitan ng pagkolekta sa trash samples sa mga bahay-bahay sa 21 selected sites sa buong Pilipinas kabilang ang anim na lungsod at pitong bayan.
Gayunman, ang pag-aaral ay may layon na kalampagin ang mga manufacturer sa paglaganap ng plastic waste, gayundin ang mamamayan na hanggang ngayon ay wala pa ring pakialam sa kapaligiran.
Nakaiinis isipin na kahit marami ng kalamidad ang dumaan sa atin ay marami pa ring Pilipino ang hindi natututo.
Kaya sana, sa kabuuang bilang ng mga plastik na ito ay maalarma na tayo na ang paglaganap nito ay hindi na biro at malaki na ang nagiging epekto hindi lang sa mga tao kundi maging sa mga yaman ng bansa!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments