MAY PIPIGIL PA BA SA DOMINASYON NG RISERS AT KINGS SA 3X3 CUP?

MAGKAKAROON na ba ng iba o magpapatuloy ang dominasyon ng 1Bataan Risers at Grindhouse Kings-Pasig sa ika-apat na yugto ng Chooks To Go Pilipinas 3X3 President’s Cup? Babalik ang mainit na aksyon sa SM Megamall ngayong Sabado simula 11:00 a.m. matapos ang matagumpay na ikatlong yugto noong nakaraang Marso 1 sa SM City Fairview kung saan nasungkit ng Risers ang kanilang pangalawang korona nang talunin ang Grindhouse, 21-19.
Ilan sa mga napipisil na wasakin ang dominasyon ng dalawa ay mga nakapasok na sa semifinals noon tulad ng Go-For-Gold-San Juan Knights, Pasay Voyagers, Vigan Baluarte Wolves at Valenzuela Classic. Nariyan din ang Marikina Shoemasters na nagpalasap ng talo sa 1Bataan noong nakaraang linggo salamat sa husay ng laro ni Gerald Anderson.
Samantala, tiyak na gagawa ng paraan ang mga koponan ng Max4 Birada-Cebu, Zamboanga Valientes, Bacoor Strikers, Bulacan Kuyas at Zark’s Burger-Quezon City para mabigyan ng lunas ang kanilang kampanya. Kailangan nilang makalikom ng maraming puntos upang makahabol sa mga liderato.
Sa ngayon, ang 1Bataan at Grindhouse ang nangunguna sa pangkalahatang standings na pinagsamang puntos mula sa unang tatlong yugto. Kampeon ang Risers sa unang yugto pero bumawi ang Grindhouse para maagaw ang pangalawang yugto.
Ang dalawang pinakamataas na koponan pagkatapos ng anim na yugto ay kakatawan sa Pilipinas sa parating na Asia Pacific Super Quest sa Abril. Haharapin nila ang mga malalakas na koponan galing Europa at tutuloy sa FIBA 3X3 World Tour ang mga magwawagi. (A. Servinio)





Comments