Karapatan ng kababaihan sa lipunan, bigyang-halaga!

KAHAPON ay International Women’s Day. Sa totoo lang, malayo na ang narating ng pandaigdigang kilusan ng kababaihan mula nang maipasa sa iba’t ibang bansa ang karapatan ng mga babae na bumoto. Sa maraming bahagi ng mundo, kinikilala nang pantay ang babae at lalaki sa lahat ng karapatan, gayunman, may ilan pa ring hindi kinikilala ang pagkakapantay-pantay ng kababaihan at kalalakihan. Marami pa ring pagkakataon ang sarado para sa kababaihan tulad ng pag-aaral, pagpili ng uri ng trabaho, pananamit, lugar at gawaing-ipinagbabawal dahil panlalaki lamang at marami pang ibang uri ng deskriminasyon o pagbababa ng dangal at kalikasan kumpara sa kalalakihan.
Bagamat, itinuturing ang Pilipinas bilang matriarchal society dahil sa pagpapahalaga nito sa mga ina at sa papel ng kababaihan sa pamilya at pamayanan, malawak at marami pa rin ang mga kaso ng deskriminasyon laban sa kababaihan. Ilang mga manggagawang babae ang nananatiling casual employee at biktima ng endo (end of contract). Nagbago na ba ang patakaran ng trabaho sa mga kumpanya, anu-anong kumpanya ang nagsisikap magbigay ng katiyakan ng trabaho sa kababaihan? Malaki ang “demand” sa mga babaeng domestic helper at caregiver sa ibang bansa. Kaya hindi nawawala ang pila sa Philippine Overseas Employment Agency (POEA) at tila pahaba pa ito nang pahaba. Gayunman, dahil sa dinaranas na kalunus-lunos na kapahamakan ng ilang kababaihang OFWs na nasangkot sa mga krimen (totoo man o hindi) na humantong sa hatol ng bitay, nagkakaroon ng mas matinding pagsusuri at debate tungkol sa panganib na kinahaharap ng kababaihang OFWs sa paghahanap ng trabaho sa ibang bansa. Ito ba ang dahilan kaya maraming kabataan ang napaririwara at nasasangkot sa iba’t ibang problema at krimen?
“Inay, nanay, mommy, mama, nasaan kayo? Kailangan namin kayo, umuwi na kayo bago kami tuluyang mapahamak.” Ganito ang sigaw ng napakaraming kabataan. Naririnig kaya ito ng kanilang mga ina sa ibang bansa? Kapag ama ang naiiwan para mag-alaga at nagkamali o nagkulang ang mga ito sa pag-aaruga sa kanilang mga anak, masisisi ba sila sa mga hindi magandang sinasapit ng kanilang mga anak?
Dapat pagtuunan ng pansin ang malungkot na sitwasyon at epekto ng mga magkakahiwalay na pamilya dahil sa kakulangan ng trabaho sa bansa.
Madalas, pag-usapan ang “social cost” ng trabahong migrante, ang kapalit o sukli ng pagtatrabaho sa ibang bansa. Malungkot at hanggang pag-uusap lang ang inaabot ng naturang “social cost” subalit, wala talagang malalim na lunas na ibinibigay ang pamahalaan tungkol dito. Mayroon bang ibinibigay na suporta sa Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) o sa mga nagtuturo ng ilang mahahalagang bagay tungkol sa bansang kanilang pinagtatrabahuhan tulad ng basic Italian, Chinese, English at iba pa, ang mga karaniwang katangian at pag-uugali ng ibang lahi na paglilingkuran nila araw-araw, mga batas at madalas na nasasangkutang krimen ng mga OFW at iba pa?
Paano na ang mga ina, tita, ate, kapatid, pinsan at kaibigang babae na tila napababayaan ng ating bansa? Paano na ang libu-libong kababaihan na nawalan ng asawa, anak, kapatid, kamag-anak at kaibigan dahil sa madugong kampanya laban sa droga? Paano na kapag mismong ang pangulo kasama ng maraming lider ng bansa ay mahina o walang respeto at pagkilala sa dangal at halaga ng kababaihan? Tama lang na magsalita, magmartsa at magprotesta ang ating kababaihan, tama lang na suportahan natin sila!





Comments