Hirit ng mga botante, mga kandidato na sangkot sa illegal campaign posters, pangalanan para matimban
- Ryan B. Sison
- Mar 9, 2019
- 1 min read

NAPAGDESISYUNAN ng Commission on Elections (Comelec) na huwag nang ilabas ang listahan ng mga kandidato na tatakbo para sa midterm elections na may mga illegal campaign poster.
Sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na hindi na nila isasapubliko ang mga pasaway na kandidato kahit ang mga pinadalhan nila ng notice of violation, ito ay dahil ayaw nilang masayang ang kanilang case build-up laban sa mga ito.
Paliwanag ng opisyal, kapag nalaman ng kandidato na nasa listahan sila ng Comelec ay posibleng bigla nilang tanggalin ang mga nagkalat nilang campaign materials, kaya maaari itong hindi magawan ng dokumento kung saan mawawala na rin ng ebidensiya para sila ay masampahan ng kaso.
Gayunman, papangalanan na lamang ng ahensiya ang mga kandidato kapag nasampahan na ng kaso ang mga ito.
Dapat lang nang sa gayun ay mahiya naman sila kahit papaano, simpleng batas lang, eh, hindi pa nila masunod, gayung paulit-ulit na itong ipinaaalala sa kanila, paano pa kaya kapag nailuluklok na sila sa puwesto?
Tiyak na kaliwa’t kanang isyu na naman ang kanilang kasasangkutan niyan. ‘Yun lang!
Kaya ngayong darating na halalan, ang paalala natin sa lahat ng mga botante, maging matalino tayo sa pagboto, timbangin ang karapat-dapat manalo at huwag iboto ang mga ‘epalitiko’, ‘yung tipong magagaling lang kapag malapit na ang kampanya. Jusko!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments