top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

'Pinas, nagpasaklolo na sa ibang bansa para sa isyu ng pagpapalabas ng narcolist, hmmm...

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 8, 2019
  • 2 min read

LAHAT talaga ay gagawin ng administrasyong ito. Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, tumulong ang Israel, US, China at Russia sa pagkalap ng impormasyon sa mga pulitikong nakalista sa pinakabagong narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sila lang daw kasi ang may kagamitan para magawa ang wiretapping at wala naman daw kakayahan ang Pilipinas dahil “makalumang” instrumento lamang daw ang mayroon tayo. Sa pag-iisip ng administrasyon, walang mali sa kanilang ginawang wiretapping.

Pero, iba ang opinyon ni Senator Panfilo “Ping” Lacson sa isyung ito. Hindi raw tama ang mga ginagawang wiretapping ng mga dayuhan sa mamamayan ng bansa. Kung wala raw pahintulot mula sa korte ng Pilipinas, iligal ito at hindi rin magagamit bilang ebidensiya kung masampahan ng kaso ang mga nasa listahan at kung may pahintulot naman, dapat ginagamit na lang bilang ebidensiya sa kaso, gayundin mayroong mga tumutol sa pasasapubliko ng listahan dahil labag umano sa karapatan ng tao na siya ay inosente hanggang sa mapatunayang may sala sa korte, pero bago ba ito sa administrasyon? Bago ba ang nagpapa­hiya ng mga tao sa pamamagitan ng mga listahan o kaya ay agad pinangangalanang “kriminal”?

◘◘◘

Humingi na ng paumanhin si NCRPO Chief Police Major Gen. Guillermo Eleazar sa kanyang ginawa sa scalawag na pulis na nahuling nangongotong sa drug suspect. Humihingi umano ng P20,000 si Police Corporal Marlo Quibete sa nahuling suspek. Inamin ni General Eleazar na nawalan siya ng kontrol at hindi napigilan ang ginawa kay Quibete, pero dapat lang umano ito dahil ang mga ganitong pulis ang sumisira sa imahe ng Philippine National Police (PNP), samantala, suportado naman ni Pangulong Duterte ang ginawa ni General Eleazar at wala na ring bago riyan, pero naiintindihan natin si General Eleazar sa kanyang inilabas na galit sa tiwaling pulis na sa totoo lang ay marami pa rin diyan na hindi nahuhuli. Nakadidismaya dahil parang wala ring nagawa ang pagdoble sa kanilang sahod. May mga nahuhuli pa ring tiwaling pulis tulad ni Quibete na miyembro pa naman ng Drug Enforcement Unit ng Eastern Police District. Isa pa, tila walang talab kahit malakas ang kampanya kontra droga ng administrasyon dahil mayroon pa ring mga pulis na mapagsamantala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page