PAGULAYAN AT DE LUNA SA WORLD POOL, PA-TRYOUTS SA SEAG 2019 TULOY SA PSC

ISANG Intsik at isang Austrian ang unang mga balakid nina Alex “ The Lion” Pagulayan at Jeffrey “The Bull” De Luna sa kanilang paglalakbay sa malupit na 24-kataong 2019 World Pool Masters sa loob ng Victoria Stadium ng Gibraltar ngayong Marso 29 - 31.
Haharapin ni Pagulayan, tubong Isabela at itinanghal na kampeon sa 32nd Annual Music City Open 9-Ball Championships kamakailan, ang pambato ng China na si Wu Jiaqing samantalang ang alas ng Austria na si Albin Ouschan ang susubok sa tatag ng pulso ni De Luna na naghari sa 6th Annual Cole Dickson 9-Ball tourney at sa Sunshine City 9-Ball Tournament.
Kasama sa piling talaan ng mga kalahok sa $100,000 na 9-ball tilt si two-time winner Niels Feijen (Netherlands), US Open kingpin Jayson Shaw (Scotland), Ko Pin-yi (Taiwan), Konrad Juszczyszyn (Poland), World 9-Ball titlist Joshua Filler (Germany), Eklent Kasi (Albania), Skyler Woodward (USA), Shane Van Boening (USA), Chris Melling (UK), David Alcaide (Spain), Naoyuki Oi (Japan), Matt Edwards (New Zealand), Francisco Sanchez Ruiz (Spain) at ang WPA no.1 lady player na si Han Yu ng China.
Sa kabilang dako, bubuksan na sa Marso 11 ang tryouts para sa natitirang upuan ng Philippine billiards team na sasargo sa 2019 SEA Games.
Ang bakbakan na masasaksihan sa Philippine Sports Commission Billiards Center ay para sa men’s at women’s 9-ball at 10-ball events.
Seeded na sa team sina Carlo Biado, Dennis Orcullo, Johann Chua, Warren Kiamco, Francisco Bustamante, Iris Ranola, Rubilen Amit, Chezka Centeno at Floriza Andal.





Comments