top of page

Worried na maputulan ng paa ang kanyang diabetic na ina

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 7, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Diabetic ang nanay ko at madalas, nakalilimutan nito ang pag-inom ng gamot dahil sa kawalan ng pambili. Gayunman, ayaw naming matulad siya sa kanyang kapatid na naputulan ng isang paa dahil sa sakit na ito. Gusto kong malaman kung bakit nangyayari ito? — Estela

Sagot

Ang katawan natin ay maraming nerves— mga ugat na tumutuloy sa spinal cord at utak. Dahil sa nerves, nararamdaman natin kung mayroong humawak sa ating balat o kung mainit ang ating nahahawakan.

Ang mataas na blood sugar sa diabetes ay nakasisira ng mga nerve fiber. Ang tawag dito ay diabetic neuropathy, isa ito sa mga kumplikasyon ng diabetes.

Gayundin, depende sa nerves ang naapektuhan, iba’t ibang sintomas ang maaaring maramdaman sa pagka­kataong ito.

Ang pagkasira ng nerves sa mga paa at kamay ang pinakamalimit na klase ng neuropathy sa diabetes ito ang tinatawag na peripheral neuropathy.

Narito ang ilan sa mga sintomas nito:

  • pamamanhid o pangingimay

  • pagbawas ng pakiramdam sa sakit o mainit

  • parang kinukuryente o umiinit

  • parang tinutusuk-tusok na paki­ramdam

  • pamimitig

Kapag nawalan ng pakiramdam ang mga paa o kamay, ito ang nagiging daan upang magkasugat. Minsan, nalalaman na lamang ng taong may diabetes na may sugat na siya sa mga paa kapag ito ay nangamoy o mayroon nang nana dahil hindi niya ito naramdaman nang masugatan. Ito ay puwedeng mauwi sa pagkaputol ng mga paa na kinata­takutan ng maraming diabetic.

Narito ang ilan sa mga pag­kakataon na nanganganib nang maputulan ng mga paa ang may diabetes:

  • mataas ang asukal sa dugo

  • may neuropathy o pinsala sa nerves (ugat)

  • may pag-iiba ng hugis ng mga paa, halimbawa, kung baluktot ang mga daliri

  • barado ang mga ugat sa paa

  • dati nang nagkaroon ng sugat sa paa na matagal gumaling

  • dati nang naputulan ng mga daliri o paa

  • panlalabo ng paningin

  • may sakit sa bato (kidneys)

  • mataas ang blood pressure (lampas sa 140/80 mm Hg)

Gayunman, mahalagang magpa­tingin ng regular sa doktor, lalo na kapag may sugat sa mga paa na hindi gumagaling. Kailangang huwag pumalya ang iyong nanay sa pag-inom ng kanyang mga gamot para sa diabetes upang hindi mauwi ang kanyang sakit sa kinatatakutang pagkaputol ng mga paa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page