Pramis ni Digong | NEXT YEAR, WALA NANG TRAPIK

NANINIWALA si Pangulong Rodrigo Duterte na dahil sa pinaigting na Build, Build, Build Program ay luluwag na ang daloy ng trapiko sa Metro Manila pagdating ng 2020.
Nabatid na kaliwa’t kanan na ang pagpapatayo, pagsasaayos at konstruksiyon ng mga kalsada pati na ang train system.
“Itong Build, Build, Build. Biro mo galing ka Avenida punta ka ng Caloocan. Just about mga five minutes, nandiyan na. Pero kailangan may sasakyan ka or bus. Iyan na lang ginawa ko,” ani Pangulong Duterte.
Una nang binuksan ang NLEX Harbor Link Segment 10 na 5.65 kilometro na elevated expressway na daraan sa Valenzuela, Malabon at Caloocan na layuning mapabilis ang biyahe sa pagitan ng Metro Manila at kalapit-probinsiya sa Luzon.
“Next year, maluwang na ang Maynila without — sans the help of the Senate. Sa Build, Build, Build, ‘yon ‘yung TRAIN. Eh, paano ko matuloy ‘yan kung kinakalaban lang nila?” ayon pa sa pangulo.
Aniya, kahit walang tulong ng Senado ay masosolusyunan pa rin ang matagal nang problema sa trapiko sa Kamaynilaan. Ang pagtuldok ng trapik ang isa sa mga ipinangako noon ng pangulo.
Matatandaang, ikinadismaya noon ni Pangulong Duterte ang pagtanggi ng Kongreso na bigyan siya ng emergency powers.





Comments