MARIANO III, NAGKAMPEON SA REDKINGS BLITZ TOURNEY

KUMARIPAS si FIDE Master Nelson Mariano III sa pagkolekta ng anim at kalahating puntos sa loob ng pitong rounds para makopo ang korona samantalang matagumpay na nakasampa sa podium ang isang 14-anyos at isang 12-anyos na chessers nang Ibaba ang telon ng Redkings Blitz Tournament sa Makati.
Naging malaking tulong sa kampanya ng 9th seed na si Mariano, may rating na 2268, ang mga panalo kontra kina International Master Ricielieu Salcedo (rating: 2300), IM Daniel Quizon (rating: 2325) at FM Narquingden Reyes ganundin ang pakikipaghatian niya ng puntos nang makaharap si Grandmaster Rogelio Antonio Jr. (rating: 2430).
Nakapuntos din si Mariano kina Stephen Manzanero, Michael Linde at Kevin Mirano.
Nakuha ng 12-anyos na si Quizon ang runner-up honors matapos itong makaipon ng 5.5 puntos samantalang si Mark Jay Bacojo, isang 12-anyos na untitled chesser, ang pumangatlo sa torneong umakit ng 60 disipulo ng ahedres kabilang na ang dalawang GMs, apat na IMs, 3 FMs at 2 NMs.
Napabilang sa unang sampung performers sina IM Jan Emmanuel Garcia, IM Paolo Bersamina, FM Randy Segarra, untitled Don Tyrone Delos Santos, IM Salcedo, FM Reyes at untitled Chester Neil Reyes.
Sa team competition, nakuha ng Young Chess Academy, ang titulo matapos magsanib-puwersa sina Angelo Young, Karla Victor Ochoa, Jason Rojo at Christopher Megino para sa pagrerehistro ng limang panalo at dalawang draws.





Comments