Container van out sa trak, in sa tren
- BULGAR

- Mar 7, 2019
- 1 min read

PATULOY ang pag-iisip at pagpapatupad ng mga solusyon sa malalang trapik.
Sa ngayon, pinaplantsa na rin ng Philippine National Railways (PNR) ang panukalang ibiyahe sa pamamagitan ng tren ang mga cargo o container van na karaniwang isinasakay sa malalaking trak.
Sa pulong-balitaan sa Palasyo, ipinabatid na aprubado na ng PNR board ang nasabing proposal.
Gayunman, sa bagong alignment, target na maging ruta ng mga ibibiyaheng cargo ang north to south port.
Dati na umanong may ganitong uri ng pagbibiyahe ng mga cargo mula noong 1998 hanggang 2004 subalit, mula sa Manila International Container Terminal lamang o MICT sa Port Area sa Maynila hanggang Laguna.
Kung tuluyang maipatutupad ang nasabing panukala, siguradong magkakaroon ng malaking kaluwagan sa trapiko.
Mababawas sa mga daan ang mga bumibiyaheng trak na may bitbit na container van.
Mababawasan din ng pangamba ang ilang motorista na kasabay nilang bumibiyahe.
Matatandaang, may insidente na nahulog mula sa trak ang karga nitong container van.
Hindi rin maiwasan ang mga aksidente tulad ng banggaan o mga nakamotor na nagugulungan.
Anuman ang maging desisyon sa panukalang ito, nagtitiwala tayong isasaalang-alang pa rin ang kapakanan ng lahat.





Comments