REALTORS AT BLAZE SPIKERS NAMULBOS SA SUPERLIGA


PINAL nang pinutol ng Sta. Lucia ang limang game na pagkatalo nang kalusin ang Foton Tornadoes, 13-25, 25-21, 25-23, 25-22 sa Philippine Superliga Grand Prix kahapon sa FilOil Flying V Centre.
Bumanat si Casey Schoenlein ng pamatay na hataw sa 3rd at 4th sets upang iangat ang Lady Realtors sa ikalawang panalo sa prestihiyosong club league. Nakagawa si Schoenlein ng 13 pts. habang ang partner na si Molly Lohman ay may 12 para sa SLR na muling nakasampa sa winning track.
Malaki rin ang naitulong ng locals ng SLR na sina Pam Lastimosa na may 9 puntos at 12 digs at 7 excellent receptions habang si Jho Maraguinot ay may 9 hits at 15 receptions sa balanseng offensive assault.
“I like it because they played more relaxed. They enjoyed inside the court, which is something that we lost in our previous games. I’m very happy with it,” ayon kay Sta. Lucia mentor Babes Castillo.
Makaraan ang malamyang simula sa first set, nakapagpainit ang Lady Realtors sa sumunod na sets at nagawang tapatan ang buhawi ng Tornadoes. Nakabawi ang Lady Realtors sa 19-21 deficit sa 4th set nang makapagdeliber si Villanueva ng cross-court hit at service ace para sa 22-22 turnaround.
Magkasunod na spikes ang binanatan ni Schoenlein para sa match point, 24-21, bago nagbagsak si Selime Ilyasoglu ng krusyal na attack error at ibigay sa SLR ang panalo.
“I like how we played. Hopefully, we can carry this into the second round,” sabi ni Castillo.
Nakapag-ambag si Courtney Felinski ng 23 kills, four aces at block para sa 28-point effort habang sina Ilyasoglu at Elaine Kasilag ay may tig-15 at nine points, at ipalasap sa two-time champion Foton ang ika-5 panalo sa anim na laro.
Samantala, sa ikalawang laro, walang bahid dungis pa rin ang kartada ng Petron Blaze Spikers nang kunin ang ikalimang diretsong panalo at pulbusin ang United VC sa 25-12, 25-16, 25-20.
Matinding laro ang ipinamalas nina Stephanie Niemer at Kath Bell na nagdaos ng 26th birthday na may 18 at 17 points para sa Blaze Spikers na magara ang momentum bago harapin ang karibal na F2 Logistics sa Huwebes.
May 13 points si Import Yaasmeen Bedart-Ghani habang si Filipino-American Kalei Mau ay may 11 hits, kabilang ang 14 excellent receptions at 9 digs para sa UVC na dumanas ng ikatlong talo sa anim na laro. (MC/VA)





Comments